Chrome Pointer Keep Ticket For Infection | konsepto

Keep Ticket For Infection


Eto na ang sikwel nang akdang "Full String To Stop." Mula rin kay Jayson Benedicto.








Alas tres na nung makalabas siya ng building. Wala pang isang minuto na paglalakad papunta sa sakayan ng bus, e wala nang awat ang paguunahan ng mga butil ng pawis sa noo, papunta sa finish line, na kanyang mga mata. Isang matinding pahid pakanan, tapos pakaliwa, gamit ang kanyang mala-alamat na panyo, upang maibsan ang baha sa mukha. Isang matinding buntong hininga, pahapyaw na mura dahil sa matinding init at matamis na ngiti ang kanyang inilabas.



Kanina pang 10:30 am siya nandun. Dala-dala ang folder na naglalaman ng kanyang patunay na isa siya sa mga survivor ng college days. "Please report to our office for your final interview", ayon sa boses na nag-ngangalang Weng, mula sa HR department. At heto na nga ang bunga. Ang pagkakataong magsilbi sa isang amo, lampas man sa oras o hindi, with or without OT pay, maysakit man, malusog o ilang pulso nalang ang itatagal sa mundong ibabaw. Para sa makabagbag-damdaming sahod, na kakaltasan ng tax, para may pambili ng bagong sasakyan si congressman. "Congratulations, you're hired Mr. Rebualos".



Dumating siya sa bahay, may hawak na isang tub ng budget ice cream, pakanta-kanta at naka-ngisi. Na sinalubong naman ng kanyang nanay ng titig na balot ng pagdududa at pag-aalala.



Ermats: Bakit parang ang saya mo?
Julian: Hulaan mo, Ma.
Ermats: (Hilakbot) Ikaw yung nabalitang nang-holdap ng isang money changer outlet at nakatangay ng malaking halaga?
Julian: Ano?
Ermats: Anak, bakit mo nagawa yun?
Julian: (Blangkong mukha) Hindi po ako nang-holdap.
Ermats: Hay, salamat naman. Bakit ka nga masaya?
Julian: May good news po ako.
Ermats: May "buy one, take one" promo ang tindahan ng lechon manok sa kanto?
Julian: Ha? Hindi.
Ermats: (Ngumiti) Alam ko na.
Julian: Ano?
Ermats: Hindi ka nasingil ng konduktor kanina.
Julian: Hindi po.
Ermats: E ano nga? Pagkain ba 'to? Sa umaga? May sarsa? Nakikita sa banyo?
Julian: Natanggap na po ako sa trabaho.
Ermats: (Yumakap) Wow! Masaya ako para sa iyo, anak.
Julian: At bilang celebration, bumili ako ng ice cream.
Ermats: Dali, ako na magsasalin. Umupo ka nalang, Mr. Employed Citizen.
Julian: Sige po.
Ermats: May kasama ba itong straw? Medyo mala-tubig na kasi yung dating niya eh.
Julian: Naku naman. Ang init kasi sa labas eh. Natunaw na.
Ermats: Ok lang yan, anak. Higupin nalang natin o kaya isabaw sa kanin.




Tumawa ang mag-ina, sabay salpak ng ice cream sa freezer, naupo at tinuloy ang kwentuhan. Sa gitna ng mga masasayang halakhak, positibong balita at magandang takbo ng pangyayari, medyo may mantsa parin ng kalungkutan ang araw na ito. Mas lalong lumakas ang bulong ng kahapon nang mahiga na si Julian upang matulog kinagabihan.



Hindi siya makatulog, marahil dala ng excitement at tuwa. Pabago-bago ng posisyon ng paghiga. Kulang nalang, dumikit siya sa pader, na parang lamok na tumatakas sa buga ng insecticide. Pagtagilid, muli niyang nakita ang alphabet book, na madalas basahin sa kanya ng kanyang nanay noong bata pa siya. Binuklat niya ito. At sa pahina kung saan nakasulat ang letter H, doon naka-ipit ang litrato nila ni Helena, ilang taon na ang nakalipas, bago ito umalis. Pinagmasdan niya ang nasabing larawan ng walang kurap at tuloy-tuloy na pag-alala sa nakaraan.



Kitang-kita ang mga damo, na ilang beses niyang binalak bunutin at itanim sa isang paso, upang maitabi sa kanyang pagtulog. Tandang-tanda niya pa ng suot niyang shirt ng araw na iyon, na muntik na niyang ipa-laminate at i-donate sa National Museum. At syempre, si Helena. Ang ngiti nito, ang kanyang mga mata at ang pansamantalang pagkawala ng distansya sa pagitan nila ay kuhang-kuha sa larawan na iyon.



Dalawang taon din kaming nagpalitan ng e-mails, nag-chat at nag-Skype, mula nung umalis siya. Bakas pa nga ata sa mga tenga ko ang tila nangangagat na headset ni Manong Computer Shop, na sa tuwing makakasalubong ako sa daan eh babati ng, "Uy, musta Boy YM?". Para akong turuang aso na tatakbo doon tuwing magte-text siya sakin ng "Mag o-online ako". Buti nalang, medyo naka-ipon at nakabili ng mumurahing laptop kaya nabawasan ang pagkukumahog. Dalawang taon kaming ganun. Usap. Chat. Video. Usap. Nasanay na din naman ako. Napaglabanan ko ang puyat. Napagtibay ko ang tiyaga. Akala ko kasi, makaka-survive kami ng ganoon.



"Maybe I'm being unfair. I want you to be happy. Ayokong sumugal ka, mag-ubos ng oras at hindi makita ang iba pang options,  dahil sa isang bagay na walang kasiguraduhan". Yun ang ilan sa mga pinakahuling sinabi niya sa akin. Sa totoo lang, hindi ko parin maintindihan hanggang ngayon. Una, dahil ang iba dun e sa wikang ingles at pangalawa, ayoko lang talaga siguro ipasok sa kokote ko. Aaminin ko, nagalit ako. Ilang beses kong tinangka ihampas sa pader ang laptop, pero pinigil lang ako ng aking common sense sa pamamagitan ng paalala na hindi pa yun fully paid. Umasa din ako, na liliko siya at iikot pabalik sa dati naming nakasanayan. Pero wala. Simula noon, naputol na ang virtual na tulay na nag-uugnay samin.



Taon na ang lumipas, ilang beses na din akong nauntog, aksidente man o dala ng katangahan, pero hanggang ngayon, wala ni isa dun ang nagkaroon ng sapat na lakas para maalog ang kamoteng utak ko at makalimot. Alam ko cliche na ang sabihing "naalala ko ang lahat na parang kahapon lang". Pero ang totoo, tila hindi lumaktaw ang araw, dahil ni isang segundo, hindi ako pinatulog ng mga lecheng alaala ko, tungkol sa kanya, tungkol samin.



Unang araw sa trabaho. Unang polo sa history ng kanyang employment. Unang sakay sa pampublikong jeep bilang "would-be tax payer". Dahan-dahan lang ang kanyang pagsandal upang hindi malukot ang attire. First impressions last, ika nga nila. Natakot lang si Julian na matawag na "Asiong Gusot" ng mga katrabaho. Maya-maya pa, may babaeng sumakay at naupo sa tabi niya. Halatang papasok din ito at marahil nagmamadali dahil sa medyo basa pa nitong buhok. Na siya namang sumampal-sampal sa mukha niya, nang umandar na ang jeep. Lumingon naman sa kanya ang babae at agad humingi ng tawad. "Ok lang", sagot ni Julian. Naalala niya bigla ang dalagang sumapak sa panga ng kanyang pagiging torpe.



Kung andito ba si Helena, magiging masaya kaya siya para sa akin? Mag de-date ba kami bilang selebrasyon ng pagkakatanggap ko sa trabaho? Yayakapin ba niya ako at hahalikan? Magpapa-libre ba siya sa aking unang sahod? Kasi pucha, handa kong ibigay sa kanya ang buong nilalaman ng payslip ko, at maging tax evader na din, kung sakaling hindi pa sapat yun.



Pagdating sa building na kainaroroonan ng opisina, agad siyang pumasok, sabay dama sa malamig na hangin ng aircon. Pagkatapos i-check ng guard ang kanyang bag, derecho siya agad sa elevator. Una siyang nakapasok at naka-ngiting tinitignan ang iba pang sasakay. Pagsara ng pinto, isa isa nang nagpindutan ng floor na bababaan ang mga tao sa loob. At dahil siya ang nasa pinaka-likod, kailangan niyang makisuyo sa mga nasa unahan upang pindutin ang button ng palapag na pupuntahan niya.



"Uhmm, excuse me, pwedeng paki-pindot yung 12th floor?", magalang niyang sabi.


"Ay, sa kabilang elevator ka dapat sumakay, 14th pataas lang dito", sagot naman ng isang lalake.



Namumulang nagpasalamat nalang si Julian, habang isa isang nililingon ng mga kasakay niya ang kanyang mukha, na tila gusto siyang gawan ng life size portrait na tatawaging "the elevator idiot".



"Ayos. Unang araw, unang sablay. Partida, hindi pa ako nakakarating sa mismong papasukan ko", bulong niya sa sarili habang buong pait na pinagmamasdan ang paisa-isang paglabas ng tao sa elevator at ang dahan-dahang pag-akyat nito sa bawat floor. At nang siya nalang ang natira, joyride pababa naman, pabalik sa ground floor.



Nang maitama na ang pagkakamali, nakarating din siya sa tamang lugar. Pagpasok, lumapit siya sa front desk at nagtanong.



Julian: Hi, supposed to be, first day of work ko ngayon.
Babae: Ano pong pangalan nila?
Julian: Rebualos. Julian Rebualos.
Babae: (Nagpipindot sa computer at may tinawagan sa telepono) Upo ka muna.
Julian: Salamat.



Naku po, hindi ako pinapasok sa loob. Anong ibig sabihin nito? Baka naman hindi talaga ako natanggap? Baka nagkamali lang sila ng resume na nadampot? At dapat e sa basurahan talaga ang derecho nung sa akin. Naku naman, paano ko sasabihin to sa nanay ko? Malamang naipamalita na niya yun sa mga kapitbahay. Paano ko babawiin ang naipangako kong tagumpay? Paano pag nalaman ng lahat na isang malaking pagkakamali lang ang lahat? Babatuhin ba nila ako ng kamatis at sisigaw ng malakas na "boo" o igagapos ako sa pader ng barangay hall namin at tatapalan ng placard sa noo na may nakasulat na "tokis ang taong ito"?



Maya-maya pa, may isang babae ang lumapit. Medyo kulot ang buhok, matangkad at morena. Naka formal attire at high heels. Banayad na make-up at hindi ganun katapang na pabango. May tindig ito na tila nakaka-intimidate. Mas lalo na pag nagsalita.



"Hi, Mr. Rebualos, I'm Anne. Mukhang nagkaroon ng miscommunication between us and HR, kasi next week ka pa dapat magsisimula. Pero kung ok lang sayo, at hindi naman abala, itu-tour na kita dito sa office, para maging familiar ka na din, habang maaga".



Basketball player ba siya? O nadala lang ng heels? Mukha siyang lumalaban sa mga beauty contest. Pero mukhang masungit at lumalaban din sa World Wrestling Entertainment. Parang matagal na siya dito, pero tila magka-edad lang kami. Baka henyo ang isang ito, at accelerated noong high school. Ma-testing nga, "Please explain Newton's first law of motion, in five words". Negative. Mahirap na, baka masisante agad ako. E kung "Para sa'yo, ano ang ibig sabihin ng tunay na dalagang Filipina?". Naks. Pang Binibining Purok Uno. Sabay sayaw ng may hulahoop sa leeg.



Anne: (Medyo malakas na tinig) Mr. Rebualos, is that ok with you?
Julian: (Nagulat) Opo, ma'am.
Anne: Good. Please follow me.



Umikot sila, pinakilala sa kanya ang ilang tao na dapat lapitan para sa isang partikular na gawain at ang mga lugar na dapat puntahan. Itinuro din sa kanya ang pag-gamit ng copier at fax machine. Ipinakita din ang pwesto na kanyang io-occupy para sa buong pamamalagi niya sa kumpanya. Pagkatapos pa ng ilang pasada sa rules at company policies, natapos na ang impromptu introduction phase. Halos napuno ni Julian ang dalang papel, kakasulat ng mga bagay na sinasabi ni Anne, habang sila'y naglalakad paikot sa opisina.



Anne: So that's it. Pwede ka nang umuwi and we'll see you next week.
Julian: Ok po. Salamat po ma'am.
Anne: Wag mo akong tawaging ma'am. Hindi ako ang boss dito. Pareho lang tayong empleyado.
Julian: Ah ok. Salamat.. uhmm, Anne.
Anne: You're welcome, Mr. Rebualos.
Julian: Ah, Julian nalang. Para kasing tunog ahente ng insurance yung Mr. Rebualos.
Anne: (Ngumiti) Ok. See you next week, Julian.



Lumakad siya palabas, papunta sa elevator ulit, pumindot, sabay bukas ng pinto. Malapit na siya sa exit ng building nang mapagmasdan ang hawak niyang ballpen.



"Hala, hindi ko 'to naibalik kay Anne"



Dali-dali siyang umakyat uli at nang bumukas ang pinto, sakto namang nakatayo sa labas ng elevator ang babaeng hinahanap niya na tila nag-aantay din at may pupuntahang ibang floor.



Julian: Ay, Ms. Anne, yung ballpen mo. Salamat.
Anne: Talagang bumalik kapa para lang isauli ito?
Julian: Ayon kasi dito sa company rules, theft will lead to termination.
Anne: (Tumawa) Tara, sama ka. Break ko. Tour naman kita sa mga masarap kainan sa building na'to.
Julian: Sige. Salamat.



Umakyat sila sabay bili ng maiinom at mailalamang magaan sa tiyan. Saka naupo at nagkwentuhan.



Julian: Matagal ka na ba dito?
Anne: Parang. Dito kasi ako nag-OJT nung 3rd at 4th year practicum ko. Kaya nung pagkatapos ng graduation, few months ago, kinuha na nila akong employee. At dahil pamilyar na ako sa opisina, ako yung nagbibigay ng orientation sa mga bagong pasok o trainees, gaya mo.
Julian: Ah ok. Kaka-graduate ko lang din.
Anne: Nice. At kung may tanong ka, puntahan mo lang ako sa cubicle ko.
Julian: Salamat.
Anne: Pasensya kana, kung napasugod ka dito nang wala sa oras.
Julian: Ok lang yun. Medyo nagkaka-agiw na din naman ako sa bahay namin.
Anne: (Tumawa) Ano ka rebulto?
Julian: Parang.
Anne: Machete? Ikaw ba yan?
Julian: Pwede. Pero mukhang kahoy na may anay ata ang nagamit sa paggawa sakin.
Anne: (Ngumiti) Pwede ka.
Julian: Pwedeng ano?
Anne: Official clown ng office.
Julian: Salamat. Magdadala ako ng unicycle sa totoong first day ko sa trabaho.
Anne: Atsaka polka dots na outfit.
Julian: Noted.
Anne: Sige, kailangan ko nang bumalik. See you next week.
Julian: OK. Salamat ulit.



Ngumiti lang pabalik ang dalaga. Sabay silang naglakad papunta ulit sa elevator. Naunang sumakay si Anne. Kumaway ito habang pasarado na ang pinto.



Naka-upo na siya sa bus, para sa byahe pauwi. Di naman pagod at walang panghihinayang. At least meron pa siyang ilang araw para damhin ang pagiging tambay bago sumabak sa mahaba-habang labanan ng pagiging empleyado. Sinilip niya ang kanyang cellphone para malaman ang oras. Walang text. Wala ding missed call. Muli, taon na ang lumipas, pero hanggang ngayon, gaya ng mga nagdaang araw, umaasa parin siyang lilitaw ang pangalan ni Helena sa kanyang inbox. Pero gaya din ng mga nagdaang araw, walang dumating. Binuksan niya ang mga saved messages. Puno ito nga mga lumang mensahe galing sa dalagang umalis. Binasa niya ang isa sa mga ito.



"I miss you. Lahat gagawin ko, makasama ka lang ulit, kahit saglit".



Kung andito siya, malamang, hindi pa ako uuwi ngayon. Yayayain ko siyang mamamasyal, kumain sa labas o kaya manood ng mga DVD. HIndi naman siguro masama gugulin ang isang masayang araw, dahil may trabaho na ako, kasama ang isang taong mas nagpapasaya sayo diba? Redundant ba? May tamang level lang ba ng kasiyahan na allowed? Yung tipong pag lumampas ka sa sukatan, merong penalty? Kamote. Hindi naman din mahalaga kung meron nga. Wala na siya. At mukhang mas malaki pa ang posibilidad na aksidente akong tamaan ng kidlat, magkaroon ng super power at maging miyembro ng Bioman, kaysa sa magkita kaming muli. Sana, may binibentang memory wiper gizmo, gaya nung sa men in black, dyan sa Ace Hardware. Paano ba kasi makalimot, nang hindi kailangang itulak sa hagdan at mabagok?



Malayo ang tingin niya, sa labas ng bintana, nang biglang tumunog ang kanyang cellphone. Isang bagong dating na mensahe.



" Hi, Julian. Si Anne 'to. Please save my number, just in case :) "



Napangiti nalang din siya sabay bulong ng "In case of ano?".

0 (mga) puna:

Post a Comment