Chrome Pointer Full String To Stop | konsepto

Full String To Stop

Eto ay ang Full Version ng kwentong "Full String To Stop" ni "Akoposijayson." Isang page sa Facebook.










PT1 [Sunday, March 18, 2012 at 12:43am ]



Mga sampung minuto na rin siyang nakatitig sa salamin. Hindi para pisain ang isang nakakairitang tigyawat sa ilong, alamin kung paano pataasin ang isang kilay habang nakababa ang isa, mag-imbento ng isang “wacky” pose o humanap pa ng ibang bahagi sa mukha na pwedeng patungan ng isang nakatagilid na “peace sign” tuwing magpapakuha ng litrato. Mas malalim naman ang kanyang pakay. Yata.

“Kaya mo yan, Julian. Kung hindi ngayon, kailan pa? Wag mong palampasin ang pagkakataon. Walang mangyayari kung magpapadala ka sa takot at kaba. Kung si Frodo nga, nakarating sa Mount Doom ng walang suot na tsinelas at dalang sipilyo, ikaw pa? Let’s go!!!”.

Paulit-ulit nyang kinausap ang sarili. Ini-imagine na tumutugtog ang “Eye of the tiger” sa background, habang parang tanga niyang itinataas-baba ang mga balikat at tila aamba ng suntok sa hangin tulad ni Rocky. Napapalibutan daw siya ng mga nag-gagandahang  mga cheerleader na nakasuot lang ng tissue paper bilang saplot at buong lakas na tumitili ng “Go, Julian.. Go, go, go Julian!!!”. Samantala, ilang libong tao naman daw ang may dala dalang placard at handa nang mag-rambulan para lang itaas ang kanilang mga dalang “You can do it, Julian” placard at magpakita ng suporta. Handa na siyang lumakad patungo sa direksyon ng liwanag. Ngunit pagkatapos ng unang hakbang niya pa-abante, nabasag ang kanyang “sports movie-themed daydream” ng isang pamilyar na tinig.

“Hoy, ano ba? Antagal mo namang mag-bihis?  Ano ka? Nagda-dalaga? Hindi mo alam kung paano magsuot ng bra? Male-late ka na! Bilisan mo naman ang kilos. Mga buntis, disabled at senior citizen lang ang may karapatang maging mabagal. At wala doong applicable sayo. Pwera nalang kung hampasin kita ng tubo ngayon sa binti ng mga dalawampu’t tatlong beses, para may butal, hanggang sa di kana makalakad. Tutal ambagal mo naman eh!!!”.

“Opo, lalabas na..”, natatawa nalang niyang sagot. Sanay na siya sa kanyang ermats. Kung sinusukat lang kasi  sa “words per minute” ang bilis ng pagsasalita niya, tulad ng isang typing test, malamang nakawasak na siya ng ilang world record at marami-raming pares ng eardrum. Pero kahit tila isang bangka na de motor ang bibig ng kanyang nanay, mapagmahal naman ito at maaalalahanin.

Bago tuluyang lumabas ng kwarto, tinignan muna niya kung handa naba ang lahat para sa kanyang “Operation H”.

Limang ballpen (tatlong itim, dalawang asul), check.
Tatlong panyo (dalawa pinaliguan ng cologne, isa para sa sarili niya, na 3 araw nang ginamit), check.
Apat na pirasong bubblegum (dalawa menthol, dalawa, uhmm, menthol din), check.
Payong (foldable, kulay blue, kasya ang dalawang tao), check.
Isang bote ng pabango (maaliwalas na amoy, pero hindi naman parang albatross), check.

Ayos. Geared up and ready for war. Autobots, let’s roll.

Isang jeep. Isang bus. Isang jeep ulit. At isang tricycle bilang panapos sa mahigit isang oras na byahe. Kinapa-kapa niya ang kanyang mukha. Medyo kumapal mula sa usok, alikabok at mangilan-ngilang beses na aksidenteng pagkasampal mula sa gigantic bag ng kanyang kapwa pasahero kanina. Pero ayos lang, kapal naman ng mukha ang talagang kailangan niya. Yung expression nga lang, at hindi literal.
Umupo siya, humarap sa blackboard, hindi ininda ang ingay mula sa napaka lakas na pagku-kwentuhan ng dalawa niyang kaklase tungkol sa pinaka bagong episode ng Face To Face. Saka nag-concentrate at nag-practice ng mga linyang kagabi pa niya sinasambit. Inalala ang bawat pause, tamang facial expression at arm gesture para maging epektibo ang mga sasabihin, na napanood niya sa isang youtube tutorial. Parang isang baguhang karatista na inaalala ang mga itinuro ni Mr. Miyagi sa The Karate Kid.

Option 1. “Uhmmm.. May kasabay kaba pauwi?” - Dapat tama lang ang ngiti. Yung tipong “pleasant at friendly”. Hindi yung naka-ngisi dahil magmumukha akong manyakis na may balak kidnapin siya o nakawin ang kanyang mga kidney, atay at kung ano ano pang laman loob para ibenta sa black market.

Option 2. “Uuwi kanaba?” - Panget. Parang pakialamero ang dating. Paano kung sabihin niya na “E ano naman sayo”. Patay na. Sa tinatakbo ng mga bagay-bagay, malamang wala na akong masabi pagkatapos nun at maiiwan akong tulala habang nag-aantay ng ulan na magkukubli ng aking mga luha.

Option 3. “Pwede ba akong sumabay pauwi?” - Dapat masabi ko ito ng swabe at medyo confident, dahil kung hindi, magmumukha akong batang musmos na hindi alam ang daan pauwi at handa nang sumigaw ng “Mama!!!”. At isa pa, paano kung hindi pala kami parehas ng sasakyan pauwi? Alangan namang sumabay parin ako kahit na ang ibig sabihin nun e lilibutin ko ang NCR.

Bago pa man niya masaksak ng ballpen ang kanyang ulo dahil sa matinding pag-iisip ng tamang sasabihin, dumating ang rason ng kaguluhang ito. Ang araw ng kanyang solar system, ang Arwen ng kanyang Aragorn, ang “H” sa kanyang, uhmmm, “Operation H”. Si Helena.

Napalingon siya sa pinto, sinundan ang kanyang paglakad papasok, pinagmasdan ang pag-galaw ng kanyang buhok at binilang kung ilang beses siya kumurap. Maya-maya pa umupo na si Helena. Tatlong silya sa kanan mula sa kanya. Itinigil na niya ang pagtitig bago pa man siya mahalata nito at sampahan ng kaso na may kasamang  restraining order. Dumating nadin naman ang professor. Pero bago pa man magsimula ang klase, may natutunan na siya agad. Totoo ngang slow-motion gumalaw ang isang magandang babae, tulad ng sa mga pelikula.

Natapos ang huling subject para sa araw na iyon. Nauna na siyang lumabas ng kwarto upang mag-antay sa lobby at isakatuparan ang ambush, este, Operation H. Inayos ang buhok. Nag-lagay ng konting pulbos na mukha para naman hindi ito kuminang sa dami ng natural na langis. Nag-spray ng saktong dami ng pabango sa unipormeng polo, para naman kaaya-aya ang amoy pero hindi ganun katindi na magmumukha siyang callboy bilang sideline, tuwing walang klase. Kinain ang isa sa mga dala niyang bubblegum, para hindi mag mistulang kaserola na pinaglutuan ng binagoongang karne ng kangaroo ang kanyang bibig. Ayos. “Bring it on”, sabi niya sa sarili.

Maya-maya pa, nakita na niya si Helena, muli, in slow-motion, na bumababa sa hagdan. Kitang kita niya ang pag-galaw ng kanyang mga muscle sa binti na parang isang National Geographic Special. Kasabay nitong naglalakad ang dalawa pa nilang kaklaseng babae. Na nagpapatotoo din sa mga pinapakita sa pelikula, kung saan, lahat ng magandang babae, e may side kick.

Pagkatapos ng ilang hakbang, sakto na ang lapit niya kay Helena. Pwede na niyang sabihin ang isa sa mga linyang kagabi pa niya inensayo. O para mas malakas ang pwersa, sambitin na niya lahat ng sabay sabay. Pati pato’t panabla. Buhos na lahat. Ika nga ng sikat na expression, “Todo na to”.

Pero bakit ganun, may kung anong force field ang tila nakatakip sa kanyang bibig. Walang salita o tinig ang makalabas. Pinipilit na rin niyang gumana ang kanyang dila, pero sablay din.

“Bwaka ng ina, anong sumpa ito? Dahil ba ito sa kinain kong porksilog pero lasang chicksilog, kanina? O dahil hindi ako nagbigay ng offering sa simbahan noong nakaraang linggo? Dahil ba nagsinungaling ako kay ermats na may babayaran sa eskwela kahit wala naman talaga at ipinambili ko lang ng isang kahong Choco Mucho? Parang awa niyo na, kung sino ka mang diwata na nagbigay ng sumpang ito. Magbabago na po ako. Yung natira sa kinupit ko kay nanay e ibibigay ko sa susunod na misa. Promise!”

Ano mang dasal, ano mang orasyon, walang nagbago. Naiwan siyang nakatunganga, habang pinagmamasdan ang babaeng gabi-gabi niya iniisip at may ari ng pangalan na madalas niyang isulat sa likod ng notebook para i-F.L.A.M.E.S, na papalayo at saka sumakay ng jeep. Hanggang sa hindi na ito maabot ng kanyang paningin.

Pag-uwi ng bahay, dumerecho siya ng kwarto at naupo sa kama.  Binuksan ang bag at itinaktak ang inihanda niyang mga gamit na para sana sa napakawalang kwentang “Operation H”.

Nagkalat ang limang ballpen. Na gagamitin niya sana kung sakaling mangailangan nito si Helena. Pogi points nga naman kung siya ang magpapahiram nito sa kanya. May option pa. “Anong gusto mo Helena, blue or black? Meron pa ako dito, baka kasi trip mong magsulat gamit ang dalawang ballpen ng sabay? Pero pagkatapos ng ilang dasal na sana mag-tae ang dalang ballpen ng kanyang sinisinta sa gitna ng isang surprise test, e walang nangyari. Nabalewala din ang mga dala niyang panyo, na ipapahiram niya sana kung sakaling mausok sa sasakyan nilang jeep o bus. Ngayon, tila gusto nalang niya itong pagdugtong-dugtungin at ipalupot sa kanyang leeg. Nasayang din ang mga bubblegum. Dahil hindi naman natuloy ang plano, wala na siyang pakialam kung mag-amoy panis man ang kanyang hininga. Hindi nagamit ang payong, pero handa niya itong ihampas sa kung sino mang magsabi na hindi totoong napasailalim siya sa isang sumpa, bagkus, ay inatake lang ng walang kasing lakas na Torpe Torpedo.

Ilang saglit pa, pagkatapos bumuntong hininga, umamin na rin siya. “Siguro nga, wala akong lakas ng loob, pero may ibang paraan naman para malaman niyang gusto ko siya. Yung tipong kayang-kaya ko gawin, pero hindi naman kinasasangkutan ng gayuma.”

Bumangon sa pagkakahiga si Juilan, saka lumapit sa computer. Binuksan ito at nag log in website na may logo ng isang asul na letter “F”. Hinanap sa listahan si Helena. Nag-abang ng una nitong ipo-post sa araw na iyon. Pagkalipas ng ilang minuto, dumating na ang pinaka aantay.

“Just got home from school, :-) “

Wala siyang sinayang na segundo. Pinindot agad ang mouse. Click. Like. Ayos.

(tbc, hindi yan tuberculosis)


PT2 [Sunday, March 18, 2012 at 1:49am ·]

“Julie Rebualos”

Walang sumagot. Ilang beses pa niyang inulit ang nasabing pangalan, pero wala paring nagtaas ng kamay o tumawag ng kanyang pansin. Bumuntong hininga, dala ng konting pagka-inis, nilakasan pa niya ang tinig. Ang kaninang malambing at kalmadong boses ay napalitan ng sigaw na tila isang pulis sa gitna ng isang hostage crisis at pilit pinapasuko ang suspek sa pamamagitan ng pagbabantang napapaligiran na siya. “Julie Rebualos!!! Sino si Julie Rebualos?”.


Kanina pa sana gustong magtaas ng kamay ni Julian. Rebualos ang apelyido niya pero sigurado siyang hindi Julie ang nakasulat sa kanyang birth certificate. At isa pa, mukhang hindi magandang ideya na makilala siya ng kanyang mga kaklase bilang si Julie, lalo na’t unang araw ng klase.

“Bwaka ng ina, sino ba kasi si Julie?”, napatanong din siya sa sarili.

Tumayo na ang professor, ang siyang nag-utos kay Helena para basahin ang official list ng mga enrolled sa nasabing subject, at bilang roll call narin.

“Sige na, lampasan mo na ang ligaw na kaluluwa na yan”.

Understatement ang sabihing maganda si Helena. Maputi. Medyo matangkad. Chinita ang mga mata (malamang, alangan namang ilong) at maganda ang pangagatawan (ibig sabihin seksi, hindi yung ma-masel masel). Gung-gong lang siguro ang hindi hahanga sa kanya, kahit pa segundo lang ang lumipas ng una mong nasilayan ang mala-anghel niyang mukha. On the other hand, gung-gong lang din naman ang mahuhulog sa patibong ng “love at first sight” at seseryosohin ang isang pangarap na sana, dumating ang araw, pangalan mo ang kadugtong ng “in a relationship” status niya sa Facebook.

Tuloy ang basa ni Helena ng mga pangalan sa listahan, kasunod ang tinig ng bawat estudyante sa loob ng silid para ipaalam na sila yung tinatawag. Samantala, abala naman si Julian sa paghalukay sa kanyang puso, habang nakatitig sa dalagang nakatayo sa harapan.

Sino ba siya? Bakit ang ganda niya? Amputi. Parang papaya soap ang panghimagas tuwing tanghalian. May lahi kaya silang Kastila o ipinaglihi lang talaga siya sa isang albino na phyton? Hindi eh, singkit yung mga mata. Teka, sinakop din ba ng mga espanyol ang China kung saan nagkakilala ang kanyang mga magulang at siya ang naging pambihirang bunga? Seksi. Health conscious siguro. Mukhang di siya mahilig sa deep fried isaw o tokneneng. Baka vegetarian at puro lumpiang sariwa ang binabanatan. Bakit ang kinis ng mukha niya? Walang bahid ng tigyawat o pagtatangkang tumubo ng isang mapangahas na blackhead. Baka may sponsor na beauty clinic o di naman kaya e may milagro ang tubig na dumadaloy sa kanilang gripo na kanyang ipinanghihilamos. Saan kaya siya nakatira? Magkano kaya pamasahe niya sa araw-araw? Ginagamit din kaya niya ang discounted fare ng mga estudyante at sumisigaw ng “Manong, Cubao lang, estudyante”. Hindi siguro.Mukhang may kotse. Wala sa kutis nito ang humahabol sa isang rumaragasang jeep tuwing rush hour. May boyfriend na kaya ‘to? Malamang. At kung meron man, malamang wala akong panama. Baka mayaman yun, gwapo at may abs na hango sa hugis ng mga chocolate bars tulad ng bagong gumanap na Machete. Pero teka, wala naman siyang necklace na may hugis-pusong pendant na kung saan may nakaukit ng pinagsamang pangalan nila ng kanyang jowa tulad ng “Jhun-Neng” na madalas naka-vandal sa mga upuan ng bus. Wala din siyang singsing na may malaking bato na senyales ng pagiging engaged. Base sa kanyang bewang, wala pa naman siguro siyang anak. Pero kung sakaling meron, ok lang sakin yun. Handa akong maging step-father ng kanyang mga supling. Babasahan ko sila ng mga fairytale at tuturuan kong mag-bike. Ipapamukha ko sa kanila araw-araw kung gaano ako kabuting ama at kung gaano ka-kupal ang kanilang tunay na tatay. Sa ganoong paraan, papayag silang magpakasal kami ng kanilang napakagandang ina. Pero teka, saan kaya niya gustong ganapin ang aming pag-iisang dibdib? Sa beach, sa ilalim ng tubig, sa may bunganga ng bulkan at napapaligiran ng nagbabagang lava, sa hardin, sa  loob ng isang petshop, sa loob ng phonebooth, habang nakasabit ng patiwarik sa helicopter na parang basang mga medyas na pinapatuyo? Ano kayang gusto niyang kulay bilang motif? Blue, blue green, dark blue, acid blue, neon green, turq.. turquo.. turqiu.. uhmmm, red? Pwede din namang may theme, halimbawa, pang Lord of the Rings ang dating. Siya ay naka costume ng mala-diyosa at matulis ang dulo ng tenga na parang si Arwen. Ako naman, magpapahaba ng buhok at hindi mag-aahit ng mga tatlong buwan, hanggang sa magmukhang ermitanyong hindi alintana ang konsepto ng personal hygiene, upang maging ala-Aragorn. Sino naman kaya ang mga iimbitahin naming ninong sa kasal? Mga pulitiko, artista o magician sa perya? Kung sakaling magka-anak na kami, ano kayang magandang pangalan? Hay. Sana alam ko ang email address niya.


Maya-maya pa, tila natapos na ang listahan at naupo na si Helena. Dahil dun, bumalik sa reyalidad ang kanina pa nalulunod sa ka-gung gungan na si Julian. “Tapos na? Teka, parang may mali. Shit. Di ako natawag!”, dali dali niyang sabi sa sarili.


“Uhmmm.. excuse me sir. Hindi po yata ako natawag..”

“Ano bang pangalan mo?”, tanong ng medyo yamot na guro.

“Julian Rebualos po”, sagot niya.

“Sigurado kabang nakalista ka? Baka naman napadaan ka lang dito, galing sa rugby session niyo ng mga batang hamog dyan sa parking area? O baka naman mali ka ng napasukang klase? Hindi ito ang course para maging isang batikang miyembro ng bukas-kotse gang”.

Nagtawanan ang buong klase. Hindi narin siya hinayaang makasagot ng matanda. Kusa na nitong sinilp ang listahan mismo habang pilit na pinagta-trabaho ang mga matang pinalabo na ng panahon kasabay ng pagtaas-baba ng makapal nitong salamin.

“E kaya naman pala eh, ang pangit mo magsulat”. Napayuko nalang si Julian. Tumingin naman ang professor sa direksyon ni Helena. “Iha, ito palang kumag na ito si Julie. Pero di kita masisi kung bakit di mo nabasa ng maayos”. Tumingin ulit siya kay Julian.

“Iho, sa susunod, ayus ayusin mo naman ang pagsulat, lalo na’t pangalan mo ang nakataya. Nagdaan ka naman siguro ng kindergarten at elementary. E daig pa nito ang hieroglyphics. Mahirap i-decipher ang hand writing mo. Kung sakaling mag-aapply ka ng trabaho sa hinaharap, payo ko sayo, wag ka maging tagasulat sa lapida. Baka ikaw ang ibaon ng mga magiging customer mo”.

Nagtawanan ulit ang lahat.

“Oh sya.. Tutal, nasabi na rin naman ng ilang beses, tatawagin nalang kitang Julie mula ngayon. Cute naman eh. Bagay sayo. Sa pasko, reregaluhan kita ng headband na may malaking ulo ni Hello Kitty”.

Pagkalipas ng ilan pang biro, at his own expense, pormal nang nagsimula ang pagtuturo.


“Unang araw, una at nag-iisang subject sa araw na ito, unang pagbulusok ko sa purgatoryo ng mga napahiyang estudyante. What a great way to start college. Ewan ko nalang kung may mas lalala pa dito”, bulong sa sarili. Ibinaling nalang niya ang atensyon sa nakasabit na orasan. “Ilang minuto nalang. Hay, salamat. Matatapos na din ‘to”. Nang biglang humirit na naman si komedyanteng professor. “Mr. Julie, pakibura naman ang blackboard”. Natawa na naman ang ilan. Lumapit siya sa pisara at unti unting nilinis ang mga nakasulat dito gamit ang isang basahan, habang inaalala kung may alam ba siyang sumpa na pwedeng ibulong sa bunbunan ng napapanot niyang guro. Ilang saglit pa, konting letra nalang ang kailangan burahin, upang siya’y makaupo at makatakas sa paningin ng mga nakangising kaklase ng biglang...

“Julie, dyan ka lang, kumuha ka ng chalk at isulat mo ang mga sasabihin ko bilang assignment niyo”.
Idinikta niya ang mga salita na dapat ay isusulat ni Julian sa blackboard, pero hindi ito gumagalaw at tila nabuhusan ng malamig na tubig. Hawak niya lang ang isang piraso ng chalk at nakatitig sa kawalan.

“Hoy, ano ba? Andami ko nang nasabi, wala kapang naisulat? Natuklaw kaba ng ahas o talagang naka-tira ka lang talaga ng pulbos ng espasol? Ano?”, mariing tanong ni Prof.

“Sir, nakalimutan ko po ang spelling ng assignment”, sagot niya.

Halos sumabog ang silid sa lakas ng tawanan. May iba pa nga na halos hindi na makahinga at gusto nang tumalon sa labas ng bintana sa sobrang paghalakhak. Yung iba naman, hinahampas na ng notebook ang katabi sa tuwa. Natawa na din si Julian. Sa sobrang kaba siguro, hindi na gumana ang kamote niyang utak.

“Iha, please help him”, sabi ng alanganing natatawa, alanganing bwisit na guro, sabay senyas kay Helena.

Lumapit ang dalagang kanina pa niya pinagmamasdan patungo sa kanyang kinatatayuan. Mas lalo siyang kinabahan. Bawat hakbang ni Helena ay siya namang lunok niya ng laway. Parang may kung sinong sumigaw ng “Time Space Warp, ngayon din” dahil bumagal ang kilos ng oras. Napaka haba ng mga segundo habang pinagmamasdan niya ang paglapit ni Helena. Maya-maya pa, kaharap na niya ito. Mga isang ruler ang pagitan nilang dalawa. Ngumiti lang ang magandang binibini at malumanay na sinabing “Maupo ka na nga Julie, ako na”.

Ngumiti siya pabalik. Iniabot ang hawak niyang chalk sa kausap. Pero bakit ganun? Hindi niya maikilos ang kanyang mga paa upang bumalik sa kinauupuan. Para bang gusto niya lang tumayo dun buong araw na tila pinagmamasdan ang napaka gandang paglubog ng araw. Kahit na ang mismong pagkurap ng mga niya ang kanyang pilit pinipigilan. “Ang sarap niyang pagmasdan mula sa malayo, pero doble nito ang pakiramdam kapag ganito kalapit sa kanya”, sabi niya sa sarili.

“Hoy! Upo na”, sigaw ng matandang taga-turo.
“Bukas na bukas nga, magdala ka ng urine sample ha, ipapa-drug test kita. Kakaiba ang aura mo. Para kang ngumuya ng sangkatutak na mahiwagang kabute at bulaklak ng kalabasa”.

Natapos ang klase. Nagtayuan na ang lahat para lumabas ng classroom. Pagkatapos damputin ang ilang nahulog na papel, lumabas na din si Julian. Hindi na niya alintana ang mga mapangasar na sigaw ng “Julie” nang kanyang mga lalakeng kaklase. Balewala ang mga mapaglarong duro at ngisi ng ibang estudyante. Ang importante sa kanya, makita ulit ang ngiti ni Helena, bago umuwi ng araw na iyon.

Pero pagkalipas ng ilang minutong paglaktaw ng tingin sa mga mukhang nakapaligid upang matagpuan siya, tila nakauwi na ito. Mukhang kailangan pa niyang maghintay hanggang bukas upang makita ulit ang dalaga. Iniayos niya ang pagkakasukbit ng bag sa likod saka nag lakad pababa ng hagdan.

Ilang hakbang nalang mula sa gate ng eskwelahan, naalala niya ang folder na naglalaman ng mga resibo at registration card. Hindi niya ito kasalukuyang hawak at malamang e naiwan sa classroom. Bumuntong hininga si Julian sabay tingin sa langit, “Wow, the best ang araw na ito. Napaka swerte ko talaga. Ginawa na nga akong parang character sa isang skit ng Bubble Gang ni sir, tingin pa ng lahat sa akin ay isang walang utak na amoeba dahil nalimutan ko ang spelling ng assignment, at ngayon kelangan ko na namang umakyat para hagilapin ang bwaka ng inang folder ko. Wow ulam talaga!!!”.

Pagkatapos ng isa pang malalim na paghinga, napag isip-isip niya na hindi naman bababa ng mag-isa yung folder para sampalin siya nito sa mukha dahil nakalimutan niya itong bitbitin pauwi. Mabigat man sa loob, tumalikod siya at naglakad pabalik sa hagdan.

Bago pa man niya maitapak ang paa sa unang baitang, may tinig na tumawag sa kanyang atensyon.

“Uy..”.

Napalingon siya pataas. Si Helena, pababa.

“Hi”, sagot niya habang pinagmamasdan ang muling pagliit ng distansya sa namamagitan sa kanila.

“Naiwan mo..” sabay abot ng nasabing folder.

“Ahh.. ehh.. salamat, salamat talaga”, habang pilit nagpapaka-cool.

“Masyado kang makakalimutin, Julie”, panghuling asar ni Helena bago ito naglakad palayo.

Muli, natigilan siya. Wala nang nasabi. Naiwan siyang nakatunganga at medyo tulo-laway. Walang lakas upang gumalaw. Walang ibang kayang gawin kundi titigan ang kanyang paglakad palayo.

Unang araw. Unang klase. Unang trahedya sa buhay kolehiyo. Unang beses ko nakita at nakilala si Helena. Unang hakbang sa matinding sumpa na tatalukbong sa aking buhay, na kung tawagin ay “Love at first sight”. Leche.

(tbc)


PT3[Thursday, March 22, 2012 at 12:58am ·]

Simula ng bagong school week. Tulad ng mga nakalipas na araw, nagbalak na naman siyang sabayan pauwi si Helena. Hindi niya rin maintindihan kung bakit ba pag sabay pauwi ang kanyang ultimate plan. Bakit di nalang niya yayaing magtanan agad ang sinisintang dalaga at isabuhay ay sinabi sa bibliyang"humayo kayo't magpakarami?


Lunes. As usual, balak na naman. Ang plano? Susundan niya papuntang canteen o kung saan mang lupalop kakain ang magandang dalaga pagdating ng lunch break. Mag-papanggap na hindi niya ito napansin habang nakapila sa counter. Kunwaring magugulat pag nagtagpo ang kanilang paningin. Konting kamustahan at ililibre niya ito ng lunch. Kung hindi man pumayag si Helena, mang-ho hostage siya ng isang palaboy na paslit para  mapilitan itong mag-palibre. Oo, dahas kung dahas. At pagkatapos kumain, e magtatanong siya kung maaari ba siyang sumabay pauwi. Ang ending? Nasundan naman niya ito sa canteen kaso mas napansin pa ni Helena ang bote ng hot sauce kaysa sa kanyang existence.


Martes. Balak na naman. Ang plano? I-ambush si crush habang naglalakad ito pauwi. Pero para hindi halata na isa itong lihim na patibong ng pag-ibig, kunwari siyang magtatanong ng kung anong ka-lechehan tungkol sa isang random school subject , at pagnalito, bigla niyang itatanong kung maaari ba siyang sumabay pauwi. Ang ending? Nakapagtanong naman siya, kaso ang sagot ni Helena ay “Sorry, hindi ko alam”. Badtrip. Hindi niya yun napaghandaan.


Miyerkules. May balak ulit sana siya kaso walang pasok.


Huwebes. Balak na naman as usual. Ang plano? Wala. Ang ending? Ganun parin. Sawi.


Biyernes. Huling balak para sa linggo na ito. Ang plano? Stealth mode. Aabangan niya si Helena habang nagtatago sa likod ng plant boxes at naka disguise bilang isang buhay na halaman. Waiting mode siya dun hanggang sa aktong sasakay na ng jeep si Helena pauwi. Dun siya biglang susulpot mula sa kanyang kuta at aarteng "surprised" sa pagkakasabay nila. Ang ending? Ayos na sana. Nakapagtago siya ng maayos sa likod ng mga halaman pero nung lalabas na siya dahil pasakay na ng jeep si Helena, bigla siyang sinigawan ng security guard at tinanong kung ano ang kanyang ginagawa doon. Malas, napag kamalan pang terorista.


"Ayoko na, kamote!!! Pagod na akong umisip ng plano. Pagod nakong mabigo. Pagod na akong mag-anyong halaman. At isa pa, niloloko ko lang ang sarili ko. E kung makasabay man ako sa kanya pauwi, anong sunod? Plano na naman. Pagkabigo na naman. Magpapanggap na naman akong isang halaman sa plantbox? Tama. Tama na. Baka phase lang to at tipong mawawala rin paglipas ng ilang araw. Konting umpog lang sa pader. Konting hilod pag naligo. Konting sampal ng katotohanan. At konting gata ng niyog, mailalabas ko din itong lecheng pakiramdam para kay Helena".


Lunes ulit. Wala nang plano. Pero kasawian parin ang resulta. Mukhang matatagalan pa bago siya maka-abante. Buti nalang at medyo may pagka diktador ang mga professor ngayon. Kabi-kabilang test, reports at kung ano pang dapat ipasa. Nalayo din ang utak niya sa kabag ng puso.


Pasado alas-sais na ng makalabas siya ng gate. Medyo gutom at pagod mula sa pagta-type ng research paper at summary ng report para sa mga susunod na araw. Halos wala na siyang sapat na lakas para itaas ang kamay sa mga nagdadaang jeep at pumara. Nakatayo lang habang nakatitig sa semento at nagpakawala ng ilang malalalim na hininga. Maya-maya pa, may huminto sa harap niyang pampasaherong jeep, sabay sumigaw ang konduktor, "Boni oh, Boni derecho, Boni, Boni, Boni...".Dahil sa pagkabigla, napatanong siya ng "Boss, Boni?". Nagkamot lang ng ulo at tumango ang kanyang kausap.


Pagpasok niya sa loob, medyo puno na. Naupo siya sa tabi ng isang manong na may dalang manok na panabong. Ilang segundo din silang nagtitigan nung manok. "Si kuya naman, di man lang nilagay sa kahon, mamaya tukain niyan yung mata ko eh", sabi niya sa sarili. Pero dahil sa pagod, binalewala niya nalang ito at sumandal sabay panandaliang ipinikit ng mata.


Ilang sentimetro palang ang naitatakbo, huminto na naman ang jeep. At muling isinigaw ng konduktor ang kanyang linya, na may dagdag na sahog ng kasinungalingan. "Oh maluwag pa, kasya pa nga mga tatlong maleta at dalawang aparador dyan, pasok lang miss, kasya pa yan, makikiusog lang po".


"Sino ba itong uto-uto na 'to at sumakay pa kahit obvious namang puno na?", may pagkayamot niyang bulong sa sarili dala ng pagod at gutom. Dahan dahan niyang nilingon ang pasaherong may dahilan ng pagka-antala ng byahe niya pauwi. Halos mahulog siya sa kinauupuan nang makitang si Helena ang babaeng pasakay.


"Anak ng hopiang kundol, anong gagawin ko? Friendly approach ba? Perky o Passive? Tipong parang kulang nalang salubungin ko ang kanyang pagsakay na may hawak na tarpaulin o banner? O yung tipong parang di ko siya napansin pero papansinin ko din pagdating ng jeep sa susunod sa stoplight? O di naman kaya e hindi ko talaga ia-acknowledge ang kanyang presensya sa pampublikong sasakyan na ito na tila isa siyang kaluluwang ligaw? Ano? Asan na yung alter ego na laging lumalabas sa patalastas ng sabon? Bakit ayaw mong sumagot?"

Natigilan siya ng biglang umusog ang katabi niyang sabungero. Napaurong din siya. Sa kabutihan/kasamaang palad, hindi gumalaw ang katabi niya sa bandang kaliwa. Samakatuwid, may bakanteng espasyo right next to him. Na siya namang inupuaan ni Helena.


Bilang defense mechanism, na tulad ng mga insektong engot, nagtulug-tulugan si Julian. Pero mukhang huli na ang lahat.


Helena: Julie? (Sabay ngiti)
Julian: Uy! Di kita napansin ah.
Helena: Ok ka lang ba?
Julian: Bakit?
Helena: Kanina kasi nakita kita, nung pasakay ako. Gising ka tapos parang bigla kang nawalan ng malay.
Julian: Ah.. Eh.. Ganun talaga ako. Pag pagod. Di ko mapigilan ang antok.
Helena: Ah ok. Bayad ka naba?
Julian: Oo nga no. Hindi pa pala. Teka, libre na kita.
Helena: Wag na. Kakahiya naman. Ako na, tutal puro barya yung sinukli sakin sa canteen kanina.
Julian: Ok lang yun. Ako na. Saan ka ba bababa?
Helena: Sa Boni mismo.
Julian: Ako din eh. (Tignan mo nga naman, destiny tayo. Tamis **bulong sa sarili**)

Dumukot sa wallet at iniabot ang bayad.

Julian: Boss, bayad ho. Dalawang Boni yan.
Driver: Wala kabang barya?
Julian: Wala ho eh.
Helena: Ito nalang. (Iniabot ang mga barya bilang pamasahe nila)


"Salamat Manong Driver ha. Dahil sa iyong hindi maipaliwanag na deficiency sa baryang panukli, inagaw mo sa aking buhay ang pagkakataong mailibre ng pamasahe ang babaeng aking itinatangi. At sa naturang proseso, dinukot mo din ang malaking piraso ng aking pride at inihulog mo sa isang naka-on na blender, dahil siya pa ang nanlibre sa akin. Palitan mo na yang slogan na nakasabit sa salamin, ilagay mo nalang BASTA DRIVER, DREAM WRECKER..", inis niyang naisip.


Lumipas ang oras at patuloy ang takbo ng byahe. Wala nang kibuang naganap.


"Dapat ako ang mag-simula ng conversation. Hmmm. Pano ba dapat? Alam ko na. Patanong. Teka, ano naman itatanong ko sa kanya? Anong masasabi mo sa mga subjects at prof? Panget. Uwian na nga, yun paba paguusapan namin. Kumusta naman ang mga magulang mo at ang inyong alagang aso, kung meron man? Panget. Feeling close at parang serial killer ang dating. Kung isa kang lumpia, ano ka at bakit? Lumpiang sariwa o lumpiang hubad? Panget. Parang masagwa ata. What's your favorite color? Panget. Pang grade four. Pabor kaba na ma-aprubahan ang RH bill? Panget. Tunog AM radio station. Ano ang iyong waistline? Panget. Masyadong personal. Takot kaba sa lumilipad na ipis? Panget. Obvious naman na lahat ng tao, takot dun. Para ko narin siyang tinanong kung umi-inhale ba siya ng oxygen. Kung isang araw maisipan mong mag-suicide, sa anong paraan mo ito isasakatuparan? Panget. Morbid ang lapag. Leche naman oh. Bakit ngayon pako naubusan ng matinong tanong?"


Napalingon siya sa bintana. Saglit nalang, nasa Boni na sila. Mukhang sawi na naman ang ending. Pero sa scenario na ito, mas malala, dahil nagkaroon siya ng pagkakataon.

"Hindi maaari ito. Kailangan kong gumawa ng paraan..".

Dala ng kaba at matinding sense of urgency, nilingon niya si Helena, sabay tanong ng..


Julian: Kumakain kaba ng laman loob?
Helena: (Kumunot ang noo) Ha?
Julian: (Napangiwi at gustong batukan ang sariling noo) I mean, mahilig kaba sa bituka?
Helena: Uhmmm. Di ko ma-gets ang ibig mong sabihin. Pick up line ba yan?
Julian: (Gusto nang tumalon palabas ng bintana) Ah. Eh. Ang ibig kong sabihin..
Helena: (Tumawa ng malakas) Hindi ako aswang.


Unang beses niyang makita ng malapitan si Helena. Bonus pa ang mala-obrang ngiti nito at sabay na paghawi ng buhok. Napawi ang kaba. Natunaw ang hiya. Naubos ang natitirang kamalayan niya sa mga pangyayari. Iba ang dating. Ang presensya niya at ang tunog ng kanyang pagtawa ay parang maaliwalas na pagdaan ng hangin sa isang tanghali at nang lilim na dala ng isang ulap habang nakaupo ka sa damuhan. Kalmado at banayad. Parang damit na ibinabad sa sangkatutak na fabric conditioner.


Julian: Ibig kong sabihin, kumakain kaba ng isaw?
Helena: (Tumawa ulit) Kala ko kung ano na. Oo naman.
Julian: Pati kwek-kwek?
Helena: Oo. Sarap nun. Lalo na pag kasabay ng siomai.
Julian: Betamax?
Helena: Pati tenga at adidas.
Julian: Nakakagutom.
Helena: Inumpisahan mo eh.
Julian: Meron tindahan dun pagbaba natin. Gusto mo?
Helena: Basta ba libre mo eh.
Julian: Oo ba (kung alam mo lang, kahit titulo ng bahay namin, ibibigay ko sayo).


Gumulong ang kwentuhan, pero bigla itong natigil dahil sa pagbagsak ng mga patak ng ulan. Paunti-unti hanggang sa kelangan nang buksan ni Mamang Driver ang wiper ng kanyang windshield. Ibinaba narin ang tila pang textbook na plastic cover na takip ng bintana. At dahil sa isang hindi maipaliwanag na phenomenon sa Pilipinas, kung saan nagiging trapik ang mga kalsada tuwing umuulan, naging mabagal ang byahe at medyo mainit sa loob ng jeep. Na sinamantala naman ng hunghang na nakaisip ng Operation H.


Julian: Pinagpapawisan kana.
Helena: Oo nga. Naiwala ko yata ang dala kong panyo.
Julian: (Dumukot sa bag) Gamitin mo muna ito.
Helena: Paano ka naman?
Julian: Ah eh.. May isa pako dito.
Helena: Wow. Dala-dalawa ang dala mong panyo.
Julian: Na-doble lang siguro ang pagkuha ko kanina sa drawer (Kung alam mo lang, mag-iisang buwan ko nang pinaghandaan ito).
Helena: Salamat. Balik ko nalang bukas. Pag nalabahan ko na.
Julian: Ok lang (Please, wag mong labahan. Parang awa mo na. Ibalik mo siya nang baon ang iyong pawis at natural na amoy).
Helena: Ang lakas ng ulan. Basa tayo nito.
Julian: (Inilabas ang payong na parang lasing na genie) Ta-dan! May payong ako.
Helena: Wow talaga. Parang belt ni Batman yang bag mo ah. Kumpleto.
Julian: Hehehe. Syempre (Nagbunga din ang paglukdo ko ng lintik na payong na 'to).
Helena: Pasukob ha?
Julian: Oo naman (Gusto mo, kahit ikaw lang ang sumilong. Handa akong mabasa at matunaw para sayo. Naks!).


Boni na. Naunang bumaba si Julian at binuksan ang dalang payong. Inantay niya sa bungad ng jeep, hanggang makababa si Helena. At sa ilalim ng nito, pilit nilang pinagkasya ang mga sarili para hindi mabasa ng may-pakisama na ulan. Kailangan nilang maglakad ng ilang metro. At sa hindi niya inaasahang sandali, kumapit sa braso niya si Helena, habang buong ingat na iniiwasan ang mga lubak sa kalye na napuno ng tubig ulan.Walang camera. Walang mga ilaw. Walang sumisigaw ng "cut". Pero maliban dun, pang-pelikulang romantiko ang tagpo. Magaan lang naman ang braso ni Helena, pero bigla siyang nanghina at tila mawawalan ng malay. Gusto niyang magtatatalon sa tuwa at masuka sa kaba. Ganito siguro ang epekto ng kryptonite kay Superman.


"Kung sino man ang nagbenta ng payong na'to sakin, mag hintay ka lang. Hahanapin kita, yayakapin ng mahigpit at papasalubungan ng isang dosenang Yakult. Dahil sa payong mo, dumating ang isang perpektong tagpo sa buhay ko".

PT4[Saturday, March 24, 2012 at 1:26am ·]

"Sana umatras ang kalsada para tila naglalakad kami paakyat sa isang pababang escalator. Sa ganoong paraan, hindi matatapos ang tagpo naming ito sa ilalim ng iisang payong. Parang awa mo na tadhana. Gagawin ko lahat. Hindi na ako magpapanggap na tulog tuwing uutusan ni ermats na magpa-refill ng tubig inumin. Sasali na ako sa Earth Hour na yan. Ishe-share ko na din lahat ng pictures at videos sa Facebook na tungkol daw sa kawang gawa o pagkamit ng hustisya, kahit pa hindi ko ito naiintindihan. Hindi ko na rin sasamantalahin ang kabaitan ng magtataho sa amin, sa pamamagitan ng pagpapadagdag ng arnibal at sago. Please lang. Wag mong hayaan matapos ito".


Ilang hakbang pa bago dumating sa tindahan na gaganapan sana ng kanilang epic foodtrip ng dalaga, napansin niyang sarado ito.


Helena: Saan ba yung sinasabi mo?
Julian: (Itinuro) Ayun. Yung kulay orange na tindahan na mukhang higanteng lata ng maling.
Helena: Sarado eh. Malas.
Julian: (Asa mode) Hmmm. Baka sinarado lang ang bintana dahil sa ulan, pero bukas pa.
Helena: May kadenang nakapalupot.
Julian: Hmmm. Baka para hindi tangayin ng hangin.
Helena: At may higanteng padlock sa gitna.
Julian: Hmmm. Baka display lang.
Helena: At may kulay pulang karatula na nagsasabing "closed".
Julian: Hmmm. Baka reverse psychology technique lang ng may ari.
Helena: (Tumawa) Tara na nga.
Julian: Malakas pa ang ulan. Baka gusto mong magpatila muna.
Helena: Saan naman?
Julian: Yun, may 7-11. Dun muna tayo hanggang humina ng konti ang patak. Gutom narin ako.
Helena: Sige.
Julian: Ayaw mo ata eh. Pwede rin namang mag-alay nalang tayo ng isang buhay na manok at gigilitan natin ang leeg nito, dito sa gitna ng kalsada, at hahayaang pumatak ang kanyang dugo sa semento, bilang alay kay Haring Araw.
Helena: (Ngumiti) Tara na!


Pagkatapos bumili, naupo sila habang pinagmamasdan ang madilim na tanawin sa labas. Malakas parin ang ulan. Lahat nagkukumahog upang makasilong sa waiting shed malapit sa sakayan ng bus. Lahat gusto nang makauwi sa kanilang mga sariling bahay. Maliban lang siguro kay Julian.


Julian: Madalas ako dito.
Helena: Bakit?
Julian: Wala lang. Minsan tambay. Minsan nagsusulat.
Helena: Pwede mo namang gawin sa bahay niyo yun.
Julian: Hindi, iba eh. Mula kasi dito sa kinauupuan natin, tanaw mo ang pag-alis at pagdating ng mga tao sa labas. Kita mo ang pag-abante at pag-atras ng MRT. Mapagmamasdan mo ang pagpapalit ng kulay ng sikat ng araw at kalangitan sa tuwing nagtatama ang hapon at gabi. Parang ang bagal ng oras. Parang ang tagal kong nakapahinga. Parang tumigil ang ikot ng mundo. Parang.. ngayon.
Helena: (Ngumiti) Madilim na at lumipas na ang mga tagpong binanggit mo. Paano titigil ang oras ngayon, para sayo?
Julian: (Iniba ang usapan, umubo ng konti) Teka, iisa lang pala ang way natin pauwi, bakit ni isang beses hindi kita nakita o nakasalubong?
Helena: Baka madalas kang nakatingin sa pagbabago ng liwanag tuwing dapit hapon.
Julian: (Ngumiti) Siguro nga.
Helena: Madalas kasi akong nagmamadali. Madaming responsibilidad sa bahay.
Julian: Ah. Ok.
Helena: Eh, nakasabay mo naman ako ngayon ah?
Julian: Oo nga eh. Sa kabutihang palad.
Helena: Bakit naman?
Julian: (Nag-isip ng safe na sagot) Kasi nailibre mo ako ng pamasahe.
Helena: Correction. Utang yun.
Julian: E di babayaran ko bukas.
Helena: (Tumawa) Biro lang.


Sasagot na sana siya ng "Seryoso ako, magtaas man ang minimum fare, handa ako sumabay at ilibre ka ng pamasahe. Kung gusto mo, may kasama pang masahe. Ako narin magdadala ng bag mo, mga libro, folders o isang sako ng patatas, kahit pa walang dahilan na magdala ka nun. Hinding hindi ako magtatanong. Hindi ako magre-reklamo", nang biglang tumunog ang cellphone ni Helena.


"Hello... Bakit? Anong nangyari?? Sige, pauwi nako..".


Helena: Kailangan ko nang mauna.
Julian: Pauwi narin naman ako.
Helena: Salamat sa libre.
Julian: Salamat din.


Hinatid niya gamit ang payong, ang dalaga hanggang sa sakayan ng bus.


Julian: (Tinupi ang payong at iniabot sa dalaga) Dalhin mo na ito.
Helena: Hindi na.
Julian: Sige na. Malakas ang ulan. Panigurado mababasa ka.
Helena: Eh paano ka?
Julian: Malapit lang ako rito. Mas kailangan mo 'to.
Helena: Salamat. Sigurado ka?
Julian: Yes ma'am.


Dumaan ang bus na sasakyan ni Helena. Bago tuluyang pumasok sa loob, nilingon nito si Julian. Ngumiti at nagpaalam. Sumarado ang pinto at dahan dahan itong umandar paalis. Naiwan siya sa waiting shed na nakangiti at pinagmamasdan ang paglakad ng dalaga patungo sa mga upuan.


"Gusto kong sumigaw. Gusto kong tumalon. Gusto kong yakapin ang mga estrangherong kasama ko dito. Gusto kong kumadirit na parang isang pink na unicorn sa isang tulay na gawa sa rainbow. Gusto kong umindak, kahit pa wala akong ritmo sa katawan, at tatapusin ko ang aking dance move sa pamamagitan ng pag-ikot habang naka-korteng letter "M" ang aking mga kamay sa ibabaw ng aking ulo, na tila isang sabog na ballerina. Ito ang "happiness" with a capital H. Malas, wala akong dalang camera. Papa-picture sana ako katabi ang kalawanging poste na ito. Souvenir lang".


Pagdating sa bahay, kaluluwa niya lang ang tuyo. Medyo naki-celebrate din kasi ang ulan sa kanyang maliit na tagumpay. Pero hindi mabubura, kahit pa ng tsunami, ang naka ukit na ngiti sa kanyang mukha.


Julian: (Kumatok sa pinto)
Ermats: (Gulat) Anong nangyari sayo? Na-hold up kaba?
Julian: Hindi po.
Ermats: Nalaglag sa kanal o bukas na man hole?
Julian: Hindi po.
Ermats: Naki piyesta ng San Juan?
Julian: Hindi po. Malakas lang talaga ang ulan. Pero ok lang po ako. Ok na ok.
Ermats: Hindi naman ikaw ang inaalala ko. Ang concern ko lang e yang welcome mat tinatapakan mo. Bagong bili ko yan sa naglalakong manong kanina. Ngayon puro putik na at basang basa dahil sayo.
Julian: Sorry naman po.
Ermats: Oh sya. Pumasok kana at magpalit ng damit bago kapa magkasakit.
Julian: Pero Ma, mukhang kailangan mo ngang palitan yang welcome mat na yan. Mali yung spelling ng "Welcome", hindi yun double "L". Mamaya sabihin ng kapitbahay, walang pag-asa manalo ang lahi natin sa isang spelling bee.
Ermats: Ah, eh. Alam ko. Napansin ko yan. Naawa lang ako dun sa naglalako kaya binili ko.
Julian: (Ngiti na nang-iinis)
Ermats: Pumasok kana, baka tuluyan pa kitang ihulog sa man hole.


Pagkatapos magpalit ng damit, nahiga siya at pilit binalikan ang mga eksena kanina.


"Phase one, complete. Phase two, activated"


PT5[Sunday, March 25, 2012 at 5:42am ·]



Tumunog ang alarm clock. Pero wala din namang silbi ang makabuhay-diwang huni nito. Kanina pa gising si Julian at parang sabog na nakatitig sa nasabing orasan na tila inaantay lang ang hudyat nito.


Naligo. Kumain ng almusal. At buong saya na nagpa-alam upang pumasok.


Julian: Alis na po ako, Ma.
Ermats: Oh, malakas ang ulan. Baka makalimutan mong magdala ng payong.
Julian: (Naalala na pinahiram niya ito kay Helena) Wala nga eh.
Ermats: Bakit? Nasan ba ang payong mo?
Julian: Pinahiram ko po.
Ermats: Kanino?
Julian: Sa kaklase ko.
Ermats: Engot! E di ikaw naman ang nawalan.
Julian: Eh kasi. Uhmm. May phobia po siya sa tubig ulan.
Ermats: Ano? Praning ba siya?
Julian: Ah. Kasi. Ganito yun. Nung bata daw siya, naisipan niyang maligo sa ulan. Tapos tumapat siya sa alulod ng bubong ng kanilang kapitbahay. Huli na ng kanyang malaman na sagana pala ito sa jerbaks ng pusa. Kaya ayun. Simula noon, nagka phobia na siya sa tubig ulan at nakakaranas ng diarrhea tuwing nababasa nito. Naawa naman ako. Ikaw kaya ang kumulo ang tyan habang nasa byahe pauwi.
Ermats: (Nakahalatang kalokohan lang ang sinabi ng anak) Kawawa naman ano? Sabihin mo, uminom ng tsaa na gawa sa dinurog na dahon ng Christmas tree. Yung ginamit nila noong nagdaang pasko para mas mabisa. At sabayan niya ng oras-oras na pagkain ng hilaw na parol. Para mawala ang sumpa.
Julian: (Natawa) Ma, aalis nako. Nagkakalokohan nalang tayo dito.
Ermats: Magdala ka nalang ng jacket.
Julian: Aling jacket?
Ermats: Huwag mo nang lokohin ang sarili mo. Iisa lang ang jacket mo, anak.
Julian: (Kinuha ang jacket sa aparador) Sige, Ma.


Positibo at puno ng kasiyahan ang araw ni Julian. Kung tipikal na araw lang ito, malamang kanina pa siya bwisit dahil sa masamang panahon. Pero iba. Tulad ng lagnat na hindi mapuksa ng isang banig na bio-flu, umabot hanggang kinabukasan ang tuwa na dala ng mga eksena nila ng magandang dalaga kahapon. At mukhang nakisimpatya na naman ang kalangitan dahil humina ang ulan at di na niya kinailangang isuot ang kanyang jacket.


"Daig ko pa ang nag-ulam ng kinilaw na shabu nito. Parang gustong lumutang ng mga paa ko sa saya at mag tap-dance. Parang gusto kong batiin ang bawat nilalang na makakasalubong ko ng isang Magandang Umaga. Good morning, manong na lasing at nakasalampak sa kalye. Good morning, Esteban, ang kapitbahay kong mahilig magparinig kung ano ang ulam nila. Good morning Aling Marta, ang may-ari ng sari-sari store na ayaw magtinda ng alak dahil relihiyoso daw sila pero ayaw namang magpa-utang sa nangangailangan. Good morning, kapwa ko pasahero na ayaw iabot ang aking bayad, naway malaglag ang hawak mong cellphone at madurog sa dalawamput tatlong piraso upang mapansin mo din ako. Good morning, manong konduktor ng bus na kulang ng tatlong piso ang sinukli sa akin dahil wala daw barya, kaya pinalitan nalang niya ito ng ngiti na halagang tatlong piso din".


Ilang sandali pa, dumating din siya sa eskwelahan. Buong buo parin ang ngiti at pagnanais na hawaan ng kasiyahan ang mga kaklase, guro at janitor na makakasalubong. Muli na naman niyang masisilayan ang kagandahan ng babaeng bumihag sa kanyang puso at katinuan.


Ok na sana ang lahat, nang biglang makasalubong niya ang lupon ng mga estudyanteng papalabas ng gate.


"Anong nangyayari? May welga ba? Bomb threat? Hunger strike ng kaalaman? May hang-over lahat ng professor? Hostage drama? May shooting sa labas ng campus?"


"Umuwi kana pre. Suspended ang klase", biglang sabat ng kaklase niyang papalabas nadin ng eskwelahan.


Kung tutuusin, magandang balita sana ito. Kaso hindi ito parte ng kanyang plano. In fact, ito mismo ang sumabotahe sa mga nais niyang mangyari. Pero sa gitna ng pagkadismaya, umandar ang kanyang pagiging optimistic, na kasing dalang lang ng Halley's comet kung dumating.


"Hmmm. At least, kung makakasabay ko si Helena ngayon. Mas mahaba ang time na pwede kaming magkwentuhan. Ayos!!! Ang kailangan ko lang gawin ay mag-antay dito at abangan siya na parang isang preying mantis".


10 minuto. 20 minuto. Kalahating oras. Isang oras ang lumipas. Ni alikabok ng sapatos ni Helena ay hindi niya nahagilap.


"Hmmm. Bakit wala pa siya? Siya ba ang hinostage? Or worse, siya ba ang suicide bomber na may dahilan ng class suspension na ito? Teka. Mukhang may isang maliit na butas sa aking plano. At yun ang posibilidad na nakauwi na siya. Hmmm. San kaya makakabili ng dyaryo para bilutin at ipalo sa mukha ko?".


Napalitan ng blankong expression ang kaninang sementadong ngiti. Ang tila pa-iskape niyang paglalakad dahil sa saya ay naging bwisit na dabog ng mga paa. Ang kagustuhan niyang batiin ang bawat makasalubong ng "Good morning" ay nauwi sa walang kibo at mga buntong hininga. Tulad ng dati. Ang ending? Sawi. Pumara ng jeep at inihanda ang sarili sa byahe pauwi.


Samantala, ang babaeng kanina pa niya inaantay ay nandoon mismo sa lugar na kinauupuan nila kahapon. Medyo basa at nilalamig. Hawak ang foldable na payong ni Julian na winasak ng malalakas na hangin, pagbababa niya kanina sa jeep. Dahil doon, hindi sinanto ng mga patak ng ulan ang kanyang magandang ngiti. Basa at pilit nilalabanan ang lamig na dala ng aircon ng 7-11. Maya-maya pa, tumunog ulit ang kanyang cellphone. Isang reply sa text na kanyang ipinadala kanina-kanina lang.


"Sabi ko naman kasi sayo, dalhin mo ang susi eh. Baka gabihin na kami ni Gabriel ng pag-uwi."


Ibinalik niya ang kanyang cellphone sa bag, sabay hinga ng malalim. Uminom ng kaunti mula sa binili niyang bottled water. Kinuha ang panyo, muling pinunsan ang mga patak ng ulan sa kanyang braso at buhok. Pagkatapos ay pilit na niyakap ang kanyang bag para bahagyang mawala ang lamig.


Naalala niya ang sinabi ni Julian. Kung bakit gusto nito ang umupo doon. Parang mas mabagal nga ang takbo ng oras kapag pinagmamasdan mo mula sa likod ng dingding na salamin ang mabilis na galaw ng mga tao sa labas. Ang pagdating at pag-alis ng mga naglalakihang bus at pribadong sasakyan. Ang bahagyang pagsilip ng sikat ng araw tuwing mahahawi ang mga ulap na nagdadala ng ulan. Tila abala ang lahat na matapos ang bawat gawain. Tila isang mahabang pahinga nang walang nagtatanong kung bakit.


Maya-maya pa, muling nagdilim ang kalangitan. Hindi man lumakas ang patak ng ulan e pumalit naman ang bugso ng hangin na siyang nagpalamig lalo sa panahon. Muli, niyakap niyang mahigpit ang kanyang bag.


Walang ano-ano, may kung anong init ang tumalukbong mula sa kanyang mga balikat hanggang sa likod. Nabigla siya at napalingon. Si Julian. Nakangiti at inilapat sa kanya ang isang jacket.


Julian: Parang basang sisiw lang ah.
Helena: (Tumawa) Salamat (Sabay hawak sa jacket upang mas lalong paglapitin ito)
Julian: Bakit di ka pa umuwi?
Helena: Wala kasing tao sa amin. Di ko rin nadala ang susi. Mukhang gagabihin pa sila.
Julian: Bakit di ka nalang mamasyal? Sa mall, sinehan o sa katayan ng baboy?
Helena: (Tumawa) Wala akong gana maglakad-lakad sa mall o manood ng sine. Ayoko din namang makakita ng kinakatay na baboy. Teka, may atraso pala ako sayo. (Sabay angat ng sirang payong)
Julian: OW-EM-DYI!!! (Kinausap ang payong) Sinong gumawa nito sayo? Sabihin mo. Bakit nagmukha kang isang tali ng lantang petchay sa palengke. Tahan na. Ipaghihiganti kita. Tandaan mo yan. Itaga mo pa sa lechon. Ipaghihiganti kita.
Helena: (Tumawa) Sorry talaga. Papalitan ko nalang.
Julian: Hayaan mo na. Ok lang yun.
Helena: (Aktong itatapon ang sirang payong sa basurahan)
Julian: Wag mo naman itapon. Pwede pa tong ipaayos (At magsisilbi itong magandang kwento para sa ating magiging mga anak, pagdating ng araw).
Helena: Biro lang.
Julian: So anong balak mo?
Helena: Di ko alam. Baka dito muna ako hanggang sa maka-uwi sila.
Julian: Huh? Sigurado ka? E mukha ngang pwede ka nang isahog sa saging con yelo eh. Kakayanin mo ba?
Helena: Oo naman. Salamat pala sa jacket. Alam mo, sweet ka. Swerte ng girlfriend mo.
Julian: Gusto mo bang maging swerte?
Helena: Ha?
Julian: I mean, gusto mo, doon ka magpalipas ng oras sa bahay namin.
Helena: (Tumaas ang kilay at kumunot ang noo)
Julian: Hindi lang naman tayo. Andun ang nanay ko. Tutal, isang jeep lang naman ang bahay niyo mula sa amin.
Helena: Hindi na, nakakahiya naman.
Julian: Ok. Mukha namang tatagal ka ng ilang oras dito. Kailangan mo nga lang ng mga kahoy na pang-gatong at dalawang bato na ipagkikiskis, para makagawa ng apoy. Wag mo ding kalimutan magpaalam dun sa cashier na gagawa ka ng bonfire sa loob ng tindahan nila. Maghanap ka na din ng makakasama mong kumanta ng "Khumbaya" habang naglalakad paikot sa apoy.
Helena: (Ngumiti) Tara na (At tuluyang isinuot ang jacket ni Julian).


Pagdating sa bahay. Kumatok sila at pinagbuksan ng nanay ni Julian. Medyo naguat ito nang tumambad ang isang babae na kasama ng kanyang anak.


Ermats: Iha, nabuntis kaba ng anak ko?
Julian: Ma??!!!
Helena: (Nahiya) Hindi po.
Julian: Nasaraduhan siya sa bahay nila. Kaya dito muna siya ng ilang oras.
Ermats: Ganun ba? Sayang naman. Gusto ko pa man din nang magka-apo. E mag boyfriend-girlfriend ba kayo?
Helena: (Namula) Hindi rin po.
Julian: Ma?? Ano ba? Nakakahiya sa kanya oh.
Ermats: Bakit? Normal na tanong lang naman yun diba iha?
Helena: Ok lang po yun.
Ermats: Derechahan na, may pag-asa ba sayo 'tong anak ko? Kasi kung malabo ang tsansa niya na mapasagot ka, baka pwede nating madaan sa areglo. Pakasalan mo lang siya at ipapamana ko sayo itong bahay kasama ang puno ng alatiris dyan sa labas. Hindi samin yun, pero para sa pag-iibigan niyo, hihingiin ko yun mula kina Mareng Lucing.
Helena: (Tumawa)
Julian: Helena, upo ka muna. Kwentuhan muna kayo ni Mama. Bibili lang ako ng meryenda, at pagkatapos iinom ako ng isang basong lason para maibsan ang kahihiyan.



Lumipas ang oras sa kwentuhan ng dalawang babaeng kaharap niya. Hindi na masyadong naintindihan ni Julian ang takbo ng usapan. Isa lang ang malinaw. Di niya mabilang kung ilang beses ngumiti sa araw na iyon si Helena.


Maya-maya pa. Nagpaalam na ito at inihatid ni Julian sa sakayan ng jeep.


Julian: Sige. Ingat ka.
Helena: Salamat. Sa lahat.
Julian: Ok lang.
Helena: Ay teka, itong jacket mo?
Julian: Malamig. Suot mo lang. 
Helena: Buti nalang dumating ka kanina.  
Julian: Wala yun.
Helena: (Ngumiti at kumaway ng paalam bago sumakay)
Julian: Kung alam mo lang, lagi akong dadating para sayo. (bulong sa sarili, habang pinagmamasdan ang pag-alis ng jeep)


PT6 [Tuesday, March 27, 2012 at 12:32pm ·]


Naiwan siyang nakatayo. Nakatingin parin sa direksyon na tinahak ng sinakyang jeep ni Helena at bukas-baga na tinanggap ang usok mula rito. Saka lang bumaon sa kanyang kamalayan na, "Siya ang pinaka-unang babaeng dinala ko sa bahay. Well, kung hindi counted ang mga kaklase kong babae noong highschool na kasamang nag-practice para sa isang play kung saan ako ay gumanap bilang isang kagila-gilalas na puno ng Mabolo at walang dialogue. Leche. Mukhang hindi ko makakalimutan ang tagpong ito buong buhay ko hanggang sa lunurin ako ng katandaan. Mahirap makalimutan ang mga *firsts*. Sana lang, hindi ito ang *last*".


Paguwi sa bahay.


Ermats: Maganda siya.
Julian: Alam ko po.
Ermats: Mukha namang mabait.
Julian: Alam ko po.
Ermats: Magalang pa.
Julian: Alam ko po.
Ermats: 50-50 ang lagay natin dyan, anak.
Julian: Alam ko po.
Ermats: Bibili nako ng ilang litrong anaesthesia. Just in case.
Julian: Salamat Ma.


Kinabukasan, dahil sa muling hindi maipaliwanag na kawalan ng kagusutuhang matulog, maaga siyang umalis at dumating sa eskwelahan. Wala pa ang professor pero may mangilan-ngilan na din siyang kaklase sa loob ng silid. Bilang palipas oras, inilabas niya ang kanyang notebook at sinimulang sayangin ang ilang patak ng tinta ng kanyang ballpen. Nag-umpisa sa mga stick figures, na natuloy sa lettering, na nauwi sa paulit ulit na pagsulat ng letter H. Nang biglang iwinasiwas siya pabalik sa earth ng isang partikular na tinig. Ang boses na kayang tumunaw ng mga namuong yelo sa freezer na hindi na-defrost ng ilang buwan. Ang kayang magpa-lumanay sa isang matapang na kape, ng hindi gumagamit ng coffe-mate. Ang kayang magpasaya ng araw niya ng walang ka effort-effort.



Helena: Good morning (sabay ngiti).
Julian: Magandang (sudden pause) umaga din.
Helena: (Inilapag isa isa) Jacket. Check. Panyo. Check. Bagong payong. Check.
Julian: Salamat. Sabi ko naman, di mo na kailangan palitan yung payong.
Helena: (Tumawa) Ano kaba? Dapat palitan ko yun. Sana magustuhan mo.
Julian: (Binuksan at nakita ang design) Hello Kitty?
Helena: (Tumawa ng malakas) Ayaw mo?
Julian: Gusto ko nga eh. Kung hindi pa ako bigyan ng mga promo girl ng libreng sample ng sanitary napkin at feminine wash, eh ewan ko nalang.
Helena: Gamitin mo mamaya ha.
Julian: Sige ba. Teka, uhmmm. May gagawin kaba after...
Helena: Ay, andyan na si Sir. Usap nalang tayo maya.
Julian: Sige.


Habang abala ang dumating na epal/guro sa pagsulat sa blackboard, biglang siyang tinanong ng kanyang epal/seatmate.


Ruben: Pare, syota mo na ba yang si Helena? Matinik ka pala pre.
Julian: Hindi ko siya syota. At hindi ako cactus.
Ruben: So, friends lang kayo ganun? Showbiz mo ah.
Julian: Tignan mo to, magtatanong tapos walang tiwala sa sagot.
Ruben: Eh bakit halos lahat ng gamit mo, nasa kanya?
Julian: Pinahiram ko lang kasi umuulan.
Ruben: E bakit ako hindi mo pinahiram? Bakit siya lang? Friends din naman tayo ah.
Julian: Mukha kasing di ka naman tinatablan ng tubig ulan. Kutis-bubong.
Ruben: Ulol. Bakit ba ayaw mong aminin?
Julian: Tignan mo yung mukha ko. Tapos, pagmasdan mo yung mukha niya. Sa tingin mo ba, kung kami na e ililihim ko pa. Baka nga magpa-print pa ako ng tarpaulin na naglalaman ng picture namin at monthsary, sabay isasabit ko labas ng bahay namin.
Ruben: Sabagay. Dehado nga siya. Teka, mukha namang malapit kayo, bakit di mo pa diskartehan. Panalo ka dyan pare. Maganda, makinis, makintab ang finishing at materyales fuertes.
Julian: Praning. Ano siya? Lababo?
Ruben: Kung ayaw mo, e di ako nalang liligaw sa kanya?
Julian: Ikaw bahala.
Ruben: Ok lang sayo?
Julian: Oo naman. (Pabulong) Basta pasapak muna ng two hundred thirty times sa magkabilang lungs mo eh.



Alas dos palang, nagsimula na ang pagkanta ng "uwian na, uwian na". Ang school day na dapat ay matatapos ng 3:30 ay naputol ng isang sulat, na dala ng isang sugo, mula sa kanilang guro. Hindi raw makakapasok si Maam. Due to an undisclosed health reason. So malamang, buntis siya at ngayon niya lang nalaman. Hindi lang sigurado kung good o bad news ba yun. Sa pagkakaalam kasi nila, single na single si teacher.


Ilang hakbang pababa mula sa hagdan ay natanaw ni Julian si Helena na nakatayo at tila may inaantay.


Julian: Wala namang ulan ah. Mataas nga ang sikat ng araw. Ano pang inaantay mo dito? Wala ka na namang susi ano? At iniisip mo kung saan magpapalipa...
Helena: (Hindi na siya pinatapos) Ikaw.
Julian: Ha?
Helena: Diba may tinatanong ka sakin kanina?
Julian: Ah. Nakalimutan ko na eh.
Helena: Tinatanong mo kung may gagawin ako mamaya, diba?
Julian: (Kinabahan at di nakapagsalita)
Helena: Mali ata dinig ko. Sige, uwi na ako.
Julian: Teka!
Helena: (Lumingon)
Julian: May gagawin kaba.. ngayon?
Helena: Oo.
Julian: Ano?
Helena: Maghintay sa kausap kong di mo malaman kung gusto magyaya o mangutang ng isang milyon.
Julian: (Ngumiti) Gusto mo bang sumama sakin?
Helena: Wow. Wala kang career sa pagiging kidnapper.
Julian: Wag na nga.
Helena: Saan?
Julian: Uhmm.. Bibili ng DVD.
Helena: Sa Quiapo?
Julian: Ayaw mo?
Helena: (Hinawakan ang kamay ni Julian at tila hinila siya papuntang sakayan)



"Mahabaging santo ng mga romantikong hilaw, anong nangyayari? Hawak ko ba ang kamay niya? O hawak niya ang kamay ko? O di naman kaya ay magkahawak kami ng kamay? Buti nalang nag-gupit ako ng kuko kanina. Pero anong ibig sabihin nito? Sana lang positibo gaya ng **Medyo gusto din kita, mga 25 percent**. Pero paano kung ito ang modernong pagpapahayag ng **In your dreams, kamote**. Sana lang hindi niya mahalata na madalas akong mapasabak sa labanan ng labahan at plantsahan".


Habang nag-aantay ng masasakyan, nagpakitang gilas si Haring araw na matagal-tagal ding napahinga sa likod ng mga itim na ulap. Kaya naman buong bibo nitong pinainit ang tanghali.


Helena: Nasan na yung bagong payong mo?
Julian: Bakit?
Helena: Mainit oh.
Julian: Hindi naman ah. Pinagpapawisan nga ako sa ginaw eh.
Helena: (Sumimangot kunyari) Ayaw mo lang talaga dun sa binili kong payong.
Julian: Hindi ah. Gusto ko nga eh. Kaya nga sana, hanggat maaari, hindi ko gagamitin. Parang mga collectibles diba? Kapag binuksan, it would lose half of it's value. Kaya bilang safety precaution, ibabaon ko ito sa ilalim ng lupa, para matagpuan ng future generation, na tila isang pirasong buto ng dinosaur.
Helena: (Di sumagot)
Julian: Bubuksan na nga eh.
Helena: (Di kumibo)
Julian: (Tuluyang binuksan ang payong) Silong na. Mainit oh.
Helena: (Ngumiti) Yan. Bagay na bagay sayo.
Julian: (Ngumiti pabalik at bumulong sa sarili *Kahit siguro magsuot ako ng costume ng clown at mag-juggle ng skyflakes sa gitna isang lamay, hanggang sa upakan ng mga nagpu-pusoy, ok lang, basta kasama ka*).


Pagdating sa bilihan.


Julian: Anong tema ba ng mga trip mong pelikula?
Helena: Mga love stories.
Julian: Wow, di ko inaasahan yun ah. Na ang isang babaeng katulad mo ay mahilig sa mga romantikong palabas na puno ng kilig moments at iyakan sa ilalim ng ulan. Kakaiba ka. Napaka-unpredictable mo.
Helena: (Tumawa) Eh ikaw, ano bang hilig mo?
Julian: Kahit ano.
Helena: Ano nga?
Julian: Basta wag lang yung nakakatakot.
Helena: Wow, di ko inaasahan yun ah. Na ang isang lalakeng tulad mo ay takot at walang hilig sa mga kababalaghang palabas na puno ng imaginary ghosts at creatures. Kakaiba ka. Napaka-duwag mo (sabay tawa).
Julian: Hindi ako takot. Di lang ako komportable manood ng mga ganung movie.
Helena: (Tumawa ng malakas) Yung tipong pagkatapos mong manood, di ka makatulog at kahit ihing-ihi kana, ayaw mong pumunta ng mag-isa sa CR?
Julian: E di ikaw na ang matapang.
Helena: (Tumawa ulit) Ang pikon, manlilibre ng meryenda.


Patuloy ang pagtingin nila sa mga nakahilerang DVDs nang basagin ng isang di kilalang manong ang kanilang konsentrasyon sa pamimili.


Manong: Boss, ano hanap niyo? Bold? Marami dito, sunod ka lang. Japanese? Tisay? Balbon? May pakpak?
Julian: (Nahiya kay Helena) Hindi po.
Manong: Scandal? Hentai? R-18? Lahat, meron dito. Collection pa. Di mo pagsasawaan.
Julian: (Lecha ka manong, bakit di kapa mag anyong bulok na okra at tuluyang lamunin ng lupa) Tara na, dun tayo sa bandang dun tumingin (aya niya kay Helena).


Helena: (Habang naglalakad palayo sa lecheng manong, at bahagyang tumatawa) Bakit hindi ka bumili?
Julian: Ha?
Helena: Sabi ko, bakit hindi ka bumili?
Julian: (Nahiya) Di ako mahilig sa mga ganung palabas.
Helena: Ibig kong sabihin, yung dvd ng Lord of the Rings na kanina mo pa tinititigan. Ano bang iniisip mo?
Julian: (Tumawa) Wala.


Madilim na ng matapos silang mamili. Naikot ata nila lahat ng stall na pinamamahalaan ng mga piratang walang eye patch at alagang parrot. Halatang pagod, inako na ni Julian ang pagdadala sa mga gamit ni Helena. Maya-maya pa, dumaan ang isang jeep at agad silang sumakay. At dahil paikot palang ang ruta, wala pang pasahero at sila'y nakaupo sa bandang harapan, sa tabi ni mamang driver.


Helena: Ambilis ng oras.
Julian: Oo nga eh.
Helena: Gabi na agad. Malamang hindi ko na mapanood ang mga ito pag uwi ko.
Julian: Marami pa namang araw. Hindi pa naman siguro papanaw ang DVD player niyo bukas.
Helena: (Ngumiti) Nakakapagod din. Pero masaya.
Julian: Ang alin?
Helena: Ang mamili ng DVD.
Julian: Ah. Ok.
Helena: Kasama ka.
Julian: So, nakakapagod akong kasama pero masaya ang mamili ng DVD?
Helena: Ewan ko sayo.
Julian: (Lumingon sa malayo, saka ngumiti)
Helena: Gusto ko nang matulog at ipatong ang mga paa ko sa mataas na unan.
Julian: Teka, bababa muna ako at maghahagilap ng unan mo.
Helena: (Hindi kumibo)
Julian: Gusto mo bang makinig ng mp3 para malibang?
Helena: (Muli, hindi sumagot)


Dinukot niya ang mp3 player mula sa kanyang bag. At nang aktong lilingon na siya kay Helena upang iabot ang kaliwang eaphone, sinalubong siya ng pagbagsak ng ulo nito sa kanyang balikat. Naiwan si Julian na nakatulala at walang masabi. Hindi makagalaw at ang tanging kayang gawin ay pagmasdan ang nakapikit na mata ni Helena at ang maamong mukha nito.


Helena: (Habang naka-pikit) Pasandal muna.
Julian: Sige.
Helena: Kahit hanggang sa bumaba tayo?
Julian: Oo naman.
Helena: Salamat.
Julian: Para saan?
Helena: Sa payong. Sa jacket. Sa pagtambay sa bahay niyo. Sa pagyaya dito. Sa balikat. Sa pagiging mabait mo sakin.
Julian: Salamat din.
Helena: Para saan?
Julian: Sa pagkakataong hayaan ako na maging mabait sayo.
Helena: (Ngumiti) Alam mo naba kung ano ang spelling ng assignment?
Julian: (Tumawa) Kung alam kong magiging ganito ang takbo ng mga bagay, kahit pa buong buhay akong maging mang-mang sa spelling. Ok lang.
Helena: Anong ibig mong sabihin?
Julian: (Kinabahan) Ha?
Helena: Sagot.
Julian: Ito. Ang pagiging malapit sayo.
Helena: Lahat ng effort na ito e para mapalapit ka sa akin?
Julian: E kung sabihin kong "Oo"?
Helena: E di selfish ka.
Julian: Bakit?
Helena: Humakbang din naman ako palapit sayo.


Ngumiti lang si Julian at saka dahan dahang inilagay sa tenga ni Helena ang isa sa mga earphone. Alam niyang mabilis ang takbo ng oras sa mga ganitong tagpo. Ang tanging dapat gawin ay ibaon sa memorya ang bawat sandali at wag nang sayangin pa sa mga salita. Naka-shuffle ang mp3 player ng pindutin niya ang play.


"Here, making each day of the year
Changing my life with a wave of her hand
Nobody can deny that there's something there

There, running my hands through her hair
Both of us thinking how good it can be
Someone is speaking but she doesn't know he's there"


Helena: Gusto ko 'to.
Julian: Ako din.
Helena: Gisingin mo nalang ako pag malapit na tayo.
Julian: Wag kang mag alala. Babantayan kita.


(Itutuloy)


PT7 [Friday, March 30, 2012 at 6:38am ·]

Mabagal ang usad ng biyahe dala ng pang-gabing trapik sa kalsada. Malalakas na busina at sigawan ng ruta para makakuha ng pasehero ang pumupunit sa taimtim ng gabi. Konting abante tapos ilang minuto na paghinto. Paulit-ulit. Puno ng mga pulang ilaw ang itim na canvass ng lansangan. Pinaghalong yamot at antok ang bumabalot sa bawat pasahero. Maliban kay Julian. Gising na gising at halos di mabura ang ngiti, na kanina pa nakasemento sa kanyang mukha. Kung nakakapag-mura lang siguro ang panga niya, malamang kanina pa siya sinigawan nito ng "Hoy!!! bwaka ng ina naman oh, poker face ka naman, ngawit nako!!!".  


Papalit-palit ang kanyang pagtitig, mula sa kalsadang kanilang tinatahak, papunta sa maamo at walang kibong mukha ni Helena. Na kanina pa nahimbing dahil sa pagod. Maliban sa mangila-ngilang beses na paggalaw upang umayos ng posisyon, tuluyan na nga ata itong naglakbay sa ulap ng mga panaginip. Kabaliktaran naman niya ang binata. Alerto, sa bawat munting kilos ni Helena upang masalo ang antok na ulo nito. Buo ang atensyon, sa pag-alala ng mga sandaling magkasama sila. Energetic, sa pagpapalit ng kanta sa mp3 player, baka kasi magising si Helena sa mga makadurog-bagang na lumang hits ng Slapshock. Sa tagpong ito, kahit pa siguro pagsasampalin siya sa nostril ng basahang kinula sa chloroform, e hindi siya makakatulog. Daig pa ang suminghot ng kapeng barako. In powder form. Wala nang timplahan.


"Alam ko, masama ang isipin 'to, pero sana, may mga dumating na hubo't hubad na aktibista, na magpo-protesta laban sa pagbebenta ng skinny jeans, at magpa-planking sila sa gitna ng kalsada. Sa ganung paraan, maaantala ang biyahe at mas lalong hahaba ang eksenang ito. Kahit buong magdamag. Hanggang sa oras ng almusal. Hindi ako magre-reklamo. Hindi ako makakaramdam ng ngalay. Hindi ako aalis. Diyan ka lang, Helena".


Hindi man natupad ang hiling niyang rally na R-18, mabagal parin naman ang takbo ng jeep. Dahil dun, medyo uminit ang temperatura sa loob ng jeep. Wala na kasi ang masarap at puno ng usok na hangin, sa tuwing mabilis ang takbo ng sasakyan. Muli, pinagmasdan niya si Helena. Tulog, pero mukhang hindi na rin komportable dahil sa init. PInagpapawisan ang noo nito. Dali-daling dinukot ni Julian ang kanyang panyo sa bag, at dahan dahang pinunasan ang mukha ni Helena, upang hindi ito magising. Maingat niyang ipinahid ang panyo sa noo, pisngi at ilong nito.


"Mga bituin sa langit at bulalakaw sa kalawakan, maraming salamat sa pagkakataong ito. Alam ko, maraming lalake ang pipila ng nakaluhod para lang mapunasan ang babaeng ito ng kanilang panyo, na tila rebulto ng isang santo. Makahanap nga ng nagbebenta ng sampaguita, at nang masabitan ang leeg ni Helena".


Lumipas ang ilang sandali, muli na naman niyang pinagmasdan si Helena. Pinagpapawisan na naman ito. At tulad ng kanina, maingat niya ulit itong pinunasan. "Di yata sanay 'to sa ganitong klima. Its either lumaki siya sa buhay-aircon o may lahi silang eskimo", bulong ni Julian sa sarili. Maya-maya pa, umilaw ang kanyang imaginary light bulb. Binuksan niya ang bag at kinuha ang isang notebook. Sabay punit sa back cover nito. Ibinalik ang minaltratong notebook sa bag at saka nagsimulang paypayan si Helena.


Naging mas maaliwalas ang mukha ng dalaga habang tumatama ang braso-generated hangin sa kanya. At lalo itong kapansin-pansin dahil sa mga munting pag-galaw ng kanyang buhok sa saliw ng hangin mula sa improvised pamaypay.


"Napaka-ganda niya. Kahit sinong lalake ang makakita ng kanyang ganda ay paniguradong mapa-praning. Buti nalang, matagal na akong praning. Pero hindi ko pwedeng sabihing immune na ako. Dahil ngayon pa lang, sa tagpong ito, bumaliktad na ang mundo ko at walang kalaban-labang umikot sa kanya".


Tuloy lang ang kanyang pagpa-paypay at walang imik na pagtitig ng biglang...


Helena: (Nakapikit parin) Salamat.
Julian: (Nagulat) Gising ka na pala. Idlip ka muna. Malayo pa tayo.
Helena: Baka pagod kana sa pagsandal ko?
Julian: Hindi ah. Malakas ata 'to. Sanay akong bumuhat ng isang sakong patatas.
Helena: So, mukha akong sako ng patatas?
Julian: (Natigilan at naghanap ng isasagot)
Helena: Baka nangangalay kana. Gigising nako.
Julian: (Biglang sagot) Patatas ang nag-iisang gulay na gusto ko.
Helena: (Ngumiti at muling pumikit) Sige na nga. Patatas nalang ako.


Bago pa man makahirit ng pilosopong sagot na maaaring sumira sa tagpong iyon, muling sumandal si Helena sa balikat ni Julian, sabay kapit sa braso nito at pumikit. Naiwan ang binata na tulala at walang kibo.


"Ang saya ko. Sobrang saya ko. Kung siguro, may magsabi sa akin na tumalon palabas sa jeep na ito habang umaandar e malamang sundin ko. At pagkatapos kong humampas sa semento, mabangasan sa mukha, magalusan ang katawan at magka gutay-gutay ang damit, babangon ako ng buong sigla at ngi-ngiti sa bawat makakasalubong with matching greeting na *Magandang gabi po, always be happy*. Sabay takbo sa botika upang i-treat ang aking sarili sa ilang rolyo ng bandage at betadine. Ganun ako kasaya".


Gusto na sanang sumuko ng kanyang bibig dahil sa makapunit na laki ng kanyang ngiti, nang may sumingit.


Manong Driver: Ay ako din, gusto ko ng patatas (malanding tinig). Patatas na ubod ng ganda (sabay ngiti, kindat at approve sign ng hinlalaki).
Julian: (Napangiti na din, sabay senyas na wag maingay)


Itinuloy niya ang pagpapaypay hanggang sa malampasan na nila ang ma-trapik na bahagi ng biyahe. Bumilis na ang takbo ng jeep. Dumaloy na muli ang natural na hangin mula sa pag-andar ng matulin ng kanilang sinasakyan. Ibinalik niya sa loob ng bag ang pinunit na cover ng notebook at pilit inalala kung may scotch tape ba sila sa bahay.


At tulad ng ilang romantikong palabas, umabot na din ang tagpong ito sa ending. Dumating din sila sa destinasyon. Dahan-dahan niyang ginising si Helena at saka sila bumaba. Ilang metrong lakad pa ang lumipas, nasa sakayan na sila ng bus.


Julian: Gusto mo, hatid na kita sa inyo?
Helena: Wag na. Ok lang naman ako.
Julian: Gusto mo bang kumain muna?
Helena: Paguwi ko nalang siguro. Inaantay din nila kasi ako sa bahay.
Julian: Ah ok. Sige. Ingat ka.
Helena: Ikaw din.
Julian: Wag ka nang matulog sa bus. Baka lumampas ka.
Helena: (Tumawa) Opo.
Julian: Uhmmm. Maaga naman ang tapos ng klase bukas...
Helena: Oo nga, bakit?
Julian: Wala lang.
Helena: Ano nga?
Julian: Wala.
Helena: 399-**-**
Julian: (Nabigla) Ha?
Helena: Tawagan mo na lang ako mamaya. Para di ka na mahiya.
Julian: Di ako nahihiya no. (Sabay bawi) Ano ulit yung number mo?
Helena: 399-**-**
Julian: Ok.
Helena: Sige, ayan na yung bus.
Julian: Ingat.


Huminto ang bus sa tapat nila, sabay bukas ng pinto. Yuyuko na sana at maglalakad palayo si Julian ng bigla siyang hawakan sa kamay ni Helena.


"Salamat sa pasyal. Salamat sa pagpapasandal, sa panyo at sa paypay. Salamat at naging masaya ang gabing ito", sabay lapat ng isang magaan na halik sa pisngi ni Julian. Saka sumakay ng bus.


Wala nang nasabi ang binata. Pinagmasdan niya lang si Helena, mula sa bintana, habang naglalakad ito sa loob ng bus hanggang sa naupo sa tapat ng bintana, ngumiti ng buong tamis at kumaway ng paalam sa kanya. Umandar palayo ang bus. Umabante ang iba pang sasakyan. Patuloy ang paglakad ng mga tao sa paligid patungo sa ibat-ibang direksyon. Maliban kay Julian. Na naiwang nakatayo at nakahawak sa pisngi.


"Hindi ko makakalimutan ang gabing ito.."




PT8 [Friday, March 30, 2012 at 1:49pm ·]



Pagod pero masaya. Yun ang eksaktong deskripsyon sa estado ni Julian ng dumating sa kanilang bahay. Halatang napasabak sa mahaba-habang byahe pero may saya na tila isang batang nakarinig ng tunog ng paparating na sorbetero. Pagpasok sa pinto, agad niyang inilapag sa lamesa ang kanyang mga gamit at pinamiling DVD. Hinubad ang sapatos at agad ding sumalampak sa upuan. Huminga ng malalim saka muling inunat ang mga labi para maglabas ng isa na namang masayang ngiti.


"Gusto ko nang gumapang papunta sa kama. Pero alam ko, pagkatapos ng mga nangyari, hindi din ako makakatulog. Kahit siguro anong pikit ko, i-stapler man ang aking mga talukap para sumara, mukha niya parin ang pilit gigising sa diwa ko. Kamote, ang dating biro ng damdamin, nauwi sa matinding gulong sa bangin ng pag-ibig. Wala na akong makakapitan. Walang preno na pwedeng tapakan para tumigil. Walang red light. Pusta na lahat. Pati pato at panabla. Andito na ko. Ngayon paba ako titigil? Pero teka, ano bang susunod?".


Ilang minuto din siyang tahimik na nakaupo ng lumabas ang kanyang nanay mula sa kwarto, matapos magtupi ng mga sinampay.



Ermats: Andyan kana pala. Di kita napansin. Pwede kang maging mahusay na akyat bahay.
Julian: (Tumayo at nag-mano) Medyo trapik po, Ma.
Ermats: Kumain ka naba? Nasa lamesa ang ulam at kanin.
Julian: Busog pa po ako.
Ermats: Wow, diet?
Julian: (Ngumiti) Hindi po.
Ermats: Ano ba itong mga dala mo?
Julian: Binilhan kita ng DVD. Para may mapanood ka at mapaglibangan.
Ermats: Anong pelikula?
Julian: Syempre, mga action films. Alam ko yan ang paborito mo.
Ermats: (Tinignan) Hmmmm.
Julian: Bakit? Ayaw mo?
Ermats: Mukha ngang maaksyon ang mga binili mo. Tulad nito, The Notebook, siguro may higanteng notebook na wawasakin ang siyudad at kailangang pigilan. Parang umaatikabo din itong The Lake House, kung saan may higanteng bahay na wawasakin ang siyudad at kailangang pigilan. Ito pa, A Walk To Remember, kung saan may isang higanteng uhmmm, blank, na naglalakad at wawasakin ang siyudad na kailangan pigilan.
Julian: (Nagulat at tinignan ang mga bala) Hindi ito yung mga binili ko.
Ermats: Isumbong natin sa show na Bitag?
Julian: (Mahinang pagkakasabi) Nagkapalit ata kami.
Ermats: Kasama mo si Helena ano?
Julian: Po?
Ermats: (Binatukan si Julian)
Julian: Bakit?
Ermats: May bula ata ang tenga mo. Hindi mo'ko marinig eh. Inalog ko lang ang ulo mo para mawala. Ano? Naririnig mo naba ako? O gusto mo pang gamitan kita ng sangkalan?
Julian: Loud and clear.
Ermats: Kasama mo si Helena ano?
Julian: Opo.
Ermats: Gusto mo ba siya?
Julian: (Hindi komportable) Ma??!!
Ermats: Bakit? Masama ba magtanong ang iyong ina, na siyam na buwan kang kinupkop sa tiyan, na ibinuwis ang buhay para ikaw ay mailuwal, nagpunas ng iyong pawis at nagpaligo nung ikaw ay bata pa, naglaba ng iyong mga damit nung hindi ka pa marunong, ang nagmahal sayo ng buong puso, kaluluwa at internal organs?
Julian: (Natawa) Opo, sasagot na.
Ermats: Your honor, tatanungin ko po ulit ang nasasakdal. Gusto mo ba si Helena?
Julian: Opo.
Ermats: Ano na ang mga ginawa mong hakbang?
Julian: Objection.
Ermats: Overruled.
Julian: Ha? Ikaw din ang judge?
Ermats: May angal?
Julian: Sinusubukan kong mapalapit sa kanya.
Ermats: Mahusay (high-five).
Julian: (Naki-high five na rin) Gusto ko siyang yayain lumabas bukas.
Ermats: E di yayain mo. Anong problema?
Julian: Hindi ko alam kung saan pupunta.
Ermats: Problema nga yun.
Julian: Di naman siya mahilig sa mall o manood ng sine.
Ermats: Alam mo anak, iba-iba ang gusto ng mga babae, pero lahat kami, gusto ng gesture na makakapagpabalik ng masasayang alaala mula sa nagdaang pangyayari, nakalipas, or even noong pagkabata.
Julian: So, yayayain ko siyang kumain ng gerber at biskwit na Marie?
Ermats: (Tumayo at naglakad pabalik sa kwarto) Anak, alam ko matalino ka. Pero hindi iyon halata. Sana lang, wag mo nang itago pa ito gamit ang mga sagot na ganyan.
Julian: Salamat po.
Ermats: Kumain kana.


Umupo siya sa lamesa, sumandok ng kanin at nagsimulang maghapunan. Menudo ang ulam. Halos wala nang carrots at green peas sa mangkok. Alam kasi ng nanay niya na wala siyang kinakain na gulay maliban sa patatas.


"Patatas!!!", bigla niyang nasabi sa sarili, sabay takbo sa kanilang telepono.


Pinindot ang numerong ibinigay ni Helena kanina. Nag-ring. Kinabahan ang kamote. Ibinaba.


"Ano namang sasabihin ko? Alam ko na, para alamin lang kung safe siyang nakauwi".


Pinindot ang numerong ibinigay ni Helena kanina. Nag-ring. Kinabahan ang kamote. Ibinaba.


"Teka, paano kung hindi siya ang makasagot? Alam ko na, kunyari magtatanong lang ako ng tungkol sa assignment".


Pinindot ang numerong ibinigay ni Helena kanina. Nag-ring. Kinabahan ang kamote. Ibinaba.


"Teka, bakit ba ako kinakabahan e telepono lang ito. Inom muna ng tubig, pampalakas loob".


Pinindot ang numerong ibinigay ni Helena kanina. Nag-ring. Kinabahan ang kamote pero nagpakatatag at naghintay na may sumagot.


Helena: Hello?
Julian: Magandang gabi po. Pwede po kay Helena?
Helena: (Pilit binago ang boses) Sino sila?
Julian: Ah, eh, si Mark po, kaklase niya. 
Helena: Ikaw ba ang nanloloko kanina, na nagpapa-ring lang tapos ibababa? 
Julian: Po? Hindi po. Kaka-dial ko lang po.
Helena: Bakit mo siya gustong makausap?
Julian: Magtatanong lang po sana tungkol sa assignment namin.
Helena: Gabi na ah. At bakit ka magtatanong? Absent kaba?
Julian: (Kinabahan lalo) Ah, hindi po.
Helena: So hindi ka nakikinig?
Julian: Hindi po. Sige, bukas nalang po.
Helena: (Tumawa ng malakas)
Julian: Bakit po? Anong nakakatawa?
Helena: Mark pala ha?
Julian: (Nabosesan si Helena) Na-wow mali mo ako dun ah.
Helena: (Tumawa ulit) Magtatanong ng assignment? Grade 6?
Julian: (Tumawa na din) At Mark ang pangalan. Walang creativity?
Helena: Seryoso na, bakit napatawag ka?
Julian: Tinetesting ko lang kung malinaw ang linya ng telepono namin.
Helena: Yun lang?
Julian: At para i-check kung nakauwi ka ng maayos.
Helena: Ok lang naman. Medyo pagod lang sa byahe kanina.
Julian: Kumain ka naba?
Helena: Oo. Ikaw?
Julian: Tapos na.
Helena: Yun lang ba?
Julian: Nagkapalit pala tayo ng naiuwing mga DVD.
Helena: (Tumawa) Oo nga eh. Kanina ko lang din napansin.
Julian: Palit nalang tayo bukas.
Helena: Sige.
Julian: Ok. Sige, pahinga kana. Pasok pa bukas.
Helena: Ikaw din. Good night.
Julian: Good night. (Nagpahabol) Ay teka, teka.
Helena: Ano yun?
Julian: Maaga naman uwian bukas. Gusto mo sumama?
Helena: Saan?
Julian: Secret.
Helena: (Ngumiti) Sige.
Julian: Good night. Last na 'to.
Helena: (Tumawa) Good night din.


Masayang ibinaba ni Julian ang telepono, at nagkumahog pabalik sa hapag kainan ng makitang umaali-aligid ang alaga nilang pusa sa kanyang pagkain. "Sige, subukan mo, kung hindi ka ma-headline sa dyaryo bukas. Akin ang patatas na yan! AHHHHKKIIINNNN!!!", banta nito sa alaga. "Sayo na ang patatas, praning, akin nalang ang katinuan", sagot naman ng nanay niya mula sa kwarto nito.


Samantala, nakangiti ding ibinaba ni Helena ang telepono bago naglakad patungo sa kanyang silid, nang biglang nagtanong ang kanyang ate.


Ate: (Nakangiti) Siya ba yung may-ari ng jacket na suot mo last time?
Helena: (Tumango)
Ate: Matagal na din mula nang huli kitang nakita na nakangiti.
Helena: Nakakatuwa siya.
Ate: Yun lang ba?
Helena: Hindi ko alam. Wala pa namang sigurado. Basta, napapasaya niya ako.
Ate: Sinabi mo naba?
Helena: (Umiling lang ito)
Ate: (Lumapit at hinawi ang kanyang buhok) Better tell him now.
Helena: Alam ko, ate.
Ate: Gusto kitang maging ganyan kasaya, palagi.
Helena: Alam ko naman yun.


Kinabukasan, natapos ang klase. Buong pasensyang naghintay si Julian sa labas ng gate. Bumili ng ilang pirasong bubble gum at nginuya para pampalipas oras. Pamatay panis na laway na din. Maya-maya pa, dumating si Helena.


Helena: Tara na?
Julian: Tara.
Helena: Saan ba?
Julian: Ayaw mo sa mall diba?
Helena: Tama.
Julian: Ayaw mo rin manood ng sine, diba?
Helena: Tama.
Julian: Tara na.


Pumara si Julian sa tapat ng isang parke. May malawak na damuhan at playground. Pero dahil pa-hapon na, mangilan ngilan nalang ang mga batang naglalaro. May mga tao din namang naglalakad at namamasyal sa paligid. Naglakad sila ni Helena, hanggang makarating sa swing. Umupo ang dalawa doon at malumanay na nagduyan.


Julian: Ok ba? Madalas akong tumambay dito.
Helena: Hindi nakakapag taka. Maganda dito. Masarap magpalipas oras.
Julian: Minsan, kapag nalulungkot ako, dito din ako nagmumuni-muni.
Helena: Malungkot kaba ngayon kaya dito mo ako dinala?
Julian: Hindi, gusto lang kitang maka-kwentuhan.
Helena: Talaga?
Julian: Hindi, sa totoo lang, nagtitipid talaga ako. Kaya dito kita dinala.
Helena: (Tumawa) Mahilig akong pumunta sa mga parke.
Julian: (Kunyaring buntong hiningi) Whew! Buti nalang.
Helena: My mom and dad used to bring me to parks, just like this.
Julian: (Tumingin kay Helena) Tapos?
Helena: Maglalaro kami, maghahabulan tapos kakain sa labas.
Julian: Pwede niyo pa din naman gawin yun kahit malaki kana ah?
Helena: Sana nga. Kung hindi sila nagkahiwalay.
Julian: Sorry to hear that.
Helena: (Unti-unting namula ang mata) Tandang-tanda ko pa noon, kung gaano kami kasaya, habang naka upo sila sa damuhan, magkasama at pinapanood ang pagpapadulas ko sa slide.
Julian: (Hindi naka-imik)
Helena: (Tuluyan nang naluha) At ang nakakalungkot lang, kaya hindi mawala sa alaala ko ang mga masasayang sandali na yun, ay dahil alam ko, ano mang pilit o pagnanais, hindi ko na maibabalik ang dati. Hindi na sila magkakabalikan. Hindi na nila ako maidadala sa isang parke. Hindi na ulit kami magiging masaya tulad noon.
Julian: (Iniabot ang panyo) Tahan na. Alam ko, wala akong pwede sabihin o gawin para mapawi ang sakit na nararamdaman mo. Salamat din at nagawa mong i-share sakin ito. Wag ka nang umiyak. Kakain ako ng buhangin kung gusto mo, matawa ka lang. Kahit ano. Tahan na.
Helena: (Ngumiti habang pilit pinipigil ang luha)
Julian: Teka, antayin mo lang dito (sabay lakad palayo)
Helena: San ka pupunta?


Hindi na sumagot si Julian at tuluyang nagtungo sa exit ng park. Samantala, naiwan si Helena na nakayuko at nagpupunas ng luha. Maya-maya pa, natanaw niya ang isang anino na nakatayo sa harap niya. Agad siyang lumingon pataas at nakita si Julian. May dalang pulang lobo, dalawang ice cream sa apa, at bote ng tubig. Halatang hirap ito pero pilit na binabalanse sa magkabilang kamay ang mga bitbit.


Julian: Tahan na, bata. Oh, sayo na 'tong lobo ko.
Helena: (Ngumiti)
Julian: Di pa sapat? Teka, oh, ice cream. Para sa iyo magandang binibini.
Helena: Salamat.
Julian: (Umupo sa katabing swing) Wag ka na malungkot.
Helena: Parang ang hirap maging malungkot kapag kasama ka.
Julian: (Ngumiti pabalik) Bagay sayo ang lobo. Cute.
Helena: (Hawak ang lobo sa isang kamay, at ice cream sa kabila) Ako o yung lobo?
Julian: (Ngumiti) Pareho.


Maya-maya pa, tinawag ni Julian ang isang batang nagpapalipad ng saranggola. Binulungan niya ito at palihim na inabutan ng pera. Ibinigay naman ng bata ang hawak niyang saranggola at saka tinawag ni Julian si Helena para paliparin ito. Si Helena ang taga-hagis, na hihilain naman ni Julian, habang tumatakbo para lumipad. Pagkatapos ng tatlumpong beses na pagsubok, napalipad din nila ito. Saka naupo sa lilim ng isang puno.



Julian: Teka, hawakan mo muna 'tong tali.
Helena: Bakit? Baka bumagsak yan, hindi ako marunong.
Julian: Saglit lang naman (saka inilatag ang jacket na pinahiram niya kay Helena nung nakaraan).
Helena: (Ngumiti)
Julian: Oh, akin nang tali. Upo kana.
Helena: Paano mo nagagawa yun?
Julian: (Nakatingin sa saranggola) Ang alin?
Helena: Ito.
Julian: Ang alin nga?
Helena: Ang mapasaya ako. Mapangiti. Mapatawa. Nang walang palabok o kung anong gimik.
Julian: Uhmm. Dahil kuripot ako?
Helena: (Tumawa) See?
Julian: Masaya ako, kapag masaya ka.
Helena: (Ngumiti)


Di nagtagal, dumilim at tuluyang tinakpan ng gabi ang kalangitan. Naglitawan isa-isa ang mga bituin na tila mga nagkikintabang back-up dancer ng buwan. Nakatingala sa kanila si Helena, habang nakatitig naman sa kanya si Julian. Nagulat na lamang ang binata ng lumingo ito sa kanya, at nahuli ang kanyang walang udlot na pagtingin.

Helena: Bakit? 
Julian: Anong bakit?
Helena: Why go through all these troubles, just to make me happy? 
Julian: Paki-tagalog please.
Helena: (Itinaas ang kilay) 
Julian: (Tumingin sa relo) Gabi na pala. Kailangan mo na ding umuwi. 
Helena: Hindi ako aalis dito hanggat di ka sumasagot. 
Julian: (Kunyari walang narinig) Naku, trapik pa naman ngayon. Nasa EDSA daw si Godzilla.
Helena: Seryoso ako. Di talaga ako aalis dito. 
Julian: (Huminga ng malalim) Para saan ba? Bakit kailangan mong malaman? 
Helena: E di wag. Umuwi ka na. Dito lang ako. 
Julian: Gusto kita. Noong unang araw pa lang. Gusto na kita mula noon. At habang lumilipas ang mga araw, lalo yun nadaragdagan. Araw-araw, nagdadasal ako, na makalimutan mo ang ballpen mo, para mapahiram kita ng isa sa apat na extra-ballpen ko. Ilang beses kitang gusto makasabay pauwi, pero ilang beses din akong binatukan ng kaba. Madalas kong isipin na isang araw, mapapahiram din kita ng panyo ko. Na magkakaroon tayo ng tagpo sa ilalim ng ulan. At sa di sinasadyang pagkakataon, nangyari lahat ito. Ngayon, hindi ko na alam ang dapat gawin. Basta ang alam ko, gusto kita. Kaya lahat, gagawin ko, maging masaya ka lang. 
Helena: E paano kung sabihin kong, masaya ako na nandito ka ngayon? Na naiisip ko parin ang pagsukob natin sa iisang payong? Na tandang-tanda ko ang pagkakataong pinawi ng pinahiram mong jacket ang lamig? Paano kung sabihin kong masaya ako kapag kasama ka? Paano kung sabihin kong, gusto kong pasayahin mo ako, tulad nito, araw-araw?


(Itutuloy)


PT9-A [Monday, April 2, 2012 at 12:37pm ·]

Gusto kong sumigaw. Gusto kong magtata-talon sa tuwa. Gusto kong maluha na eksaktong papatak sa lupa, at dun sa mismong lugar na iyon, tutubo ang isang magandang bulaklak na tatawaging JuLena. At ang tagpong ito sa buhay ko ay tatawaging "Ang Alamat ng Julena". Teka, parang tunog ka-love team lang ni Marven Agosten. Leche. Wala na akong pakialam. Dahil sa mga sinabi niya, naniniwala akong posible ang lahat. Totoo ang mga aliens. Meron ngang Lochness monster. Nanganganak talaga ang mga kisses, via caesarian section. At malaki ang posibilidad na isang araw, maging miyembro ako ng Power Rangers, dahil minsan na akong lumuhod sa asin at nagdasal sa harap ng kanilang poster, na sana, ako nalang si Red Ranger. O kahit anong kulay, maliban sa pink at yellow. Isa na akong buhay na patunay na nagaganap nga ang mga suntok sa buwan. Gusto ko siyang hawakan. Gusto ko siyang yakapin. Gusto kong maubos ang ilang guhit na distansya sa pagitan namin at matunaw. Matunaw sa bagong tuklas na katotohanang, gusto niya din ako.


Hindi alam ni Julian ang gagawin. Pero hindi naman na ata bago yun. Dahil gaya ng iba pang tagpo kasama si Helena, naiwan siyang naka-nganga na parang isang batang nawawala sa loob ng mall.


Helena: (Nakatingin sa kanya ng masama)
Julian: (Tulala na tila nakasaksi ng isang holdapan sa kanto)
Helena: Wala ka man lang bang sasabihin?
Julian: Ha?
Helena: (Sumimangot) Uuwi na nga ako.
Julian: Inaantay ko lang na sabihin mo.
Helena: Ang alin?
Julian: Joke, joke, joke.
Helena: (Tumawa) Sira!


Please lang, kung gag show man ito, lumabas na sana ang tv crew para sabihing "Kaway ka muna sa camera". Dahil pag pinatagal pa nila, lalo lang akong aasa. Na totoo ito. Na wala nang bawian. Na ako ang tumama sa lotto ng pagibig na dehado. Pag nangyari yun, humanda ang magsisisigaw ng "Sir, nasa Wow Mali po kayo". Mahina ang labintatlong suplex at tatlumpong tadyak sa mata ang aabutin niya sakin.


Julian: Pwedeng paki-ulit.
Helena: Ang alin?
Julian: Na... gusto mo din ako.
Helena: Oh narinig mo naman pala eh. Naalala mo nga.
Julian: (Ngumiti)
Helena: Gusto kita.



Sabi nila, life is not measured by the number of breaths you take, but by the moments that take your breath away. Wala akong hilig sa mga quote, na tila binaliktad lang at nang-uuto, noon. Pero ngayon, gusto kong kumuha ng marmol at iukit dito na totoo pala ang pamosong linya. Ito pala ang mga eksena sa buhay ng tao, ano man ang asim o pait ng takbo, na nagbibigay halaga sa mga oras, araw at taon ng iyong existence. Wala akong kongkretong depinisyon ng pag-ibig o kaligayan. Ang alam ko lang, importante siya sa akin at masaya ako ngayon. Miski nga ang mga bagay na alam ko e hindi ko din sigurado. Hindi ko maipaliwanag ang saya tuwing nandyan siya at ang hindi nakaka-umay na tamis nitong hatid sa aking labi. Hindi ko alam kung anong gustong gawin ng katawan ko bilang reaksyon. Biglang mawalan ng malay o masuka sa excitement? Walang pagpipilian. Parehong dyahe. At hindi ko alam kung anong susunod na mangyayari.



Helena: Gusto mo na bang umuwi?
Julian: Ikaw ba?
Helena: Ayoko pa.
Julian: (Ngumiti)
Helena: Pero kung uuwi kana, ok lang.
Julian: May dala kabang pala at paso?
Helena: (Kumunot ang noo) Bakit? Pick up line ba yan?
Julian: Hindi.
Helena: Bakit mo ako hinahanapan ng pala at paso?
Julian: Ayoko nang umalis. Kaya itanim mo nalang ang katawan ko dito. Hanggang sa tubuan ng ugat. Hanggang sa mamulaklak ako at tubuan ng mga bunga. Pero please lang, maglagay ka naman ng bakod sa paligid ko at signage na nagsasabing"Bawal umihi dito".
Helena: (Tumawa) Sige. Paliliguan din kita ng pamatay-peste.


Sa kaso ko, walang gamot, walang lunas, walang antidote at walang ligaw na dahon na didikdikin o pakukuluan, bilang sagot sa pagkahumaling ko sa ngiti ni Helena. Walang panama dito ang mga commercial model ng toothpaste at mouthwash o nung sa obra ni Leonardo Da Vinci. May kung anong dating, na tila isang makapangyarihang bulong, na nagsasabing "Ito ang ngiti na magdadala sayo ng kaligayahan na kailanman ay hindi mo makukuha sa pag ngat-ngat ng Chickenjoy o pag-kolekta ng mga laruan sa Happy Meal. Ito ang ngiti na dapat mong kunan ng picture, ipa-print ng sinlaki ng isang poster, idikit sa dingding ng iyong kwarto at alayan ng pancit tuwing biyernes".


Julian: May ipapaki-usap sana ako sayo.
Helena: Ano yun?
Julian: Wag ka nang malungkot.
Helena: Bakit?
Julian: Sa bawat segundo kasi na malungkot ka, umiiyak o nakasimangot, nasasayang ang panahon na sana e nakangiti ka o tumatawa.
Helena: Ano naman kung masayang?
Julian: Hindi mo ba alam kung gaano ka kaganda? Mas lalo na ang ngiti mo? Kung tutuusin, pwede nating ibenta yan sa black market. O ipagpalit sa ilang bariles ng langis sa Middle East.
Helena: (Tumawa) Talaga?
Julian: Tignan mo, ilang saglit na tawa mo lang, gumuhit ang ilang bulalakaw, mas nagliwanag ang mga bituin, tumigil ang pagtama ng alon sa dalampasigan, huminto ang oras, nasunog ang mga sinaing, umapaw ang mga sabaw sa kaserola at nagbago ang ikot ng mundo.
Helena: (Tumawa ulit) Drama mo naman. (Itinuro ang ilang tao sa paligid) Kung totoo yun, e bakit sila? Parang wala namang nangyari sa mga taong yun nung tumawa ako.
Julian: Hindi naman mundo nila ang tinutukoy ko, kundi mundo ko.


Marahil, napadami ang sawsaw ko sa patis-mansi nung mga nagdaang araw. O di naman kaya e dahil sa kakulangan ng coffeemate sa bahay. Hindi ko malaman kung saan ako humuhugot ng tapang para sabihin lahat ng ito kay Helena. Ito ba yung adrenaline rush? Yung sinasabi nilang dahilan kung bakit kaya mong bumuhat ng refrigerator sa panahon ng sunog? Siguro ito na nga yun. Kaso, hindi naman bahay namin ang nag-aapoy, kundi itong kamoteng puso ko. Na pilit pang sinasabuyan ng gasolina ni Helena gamit ang mga salita niya kanina. Hindi lang din refrigerator ang bubuhatin ko para sa kanya. Pati na din aparador, kama, tangke ng LPG o aquarium na naglalaman ng alaga nilang balyena.


Helena: Seryoso kaba Mr. Makata (sabay ngiti)?
Julian: Breaking news, mga kapuso. Dahil sa biglaang ngiti ni Helena, tatlong magkakasunod na tsunami ang tumama sa planetang Julian. Wala namang pong nasaktan. Pero walang sinampay ang nakaligtas ng tuyo. Wala ding makapagluto, dahil basa lahat ng kalan.
Helena: (Tumawa)
Julian: Naku po, tumawa pa. Nasundan ang tsunami ng lindol. Muli, wala naman pong nasaktan, na-alog lang ang karamihan sa mga tindang bottled softdrinks. Mag-ingat sa pagbukas, baka sampalin ka sa ilong ng nag-uumapaw na bula.


Umusog si Helena, papalaplit kay Julian, hanggang sa magtama ang kanilang mga braso, sa pagkaka-upo. Sumandal muli ang dalaga at ipinahinga ang kanyang ulo sa balikat ni Julian. Pagkatapos ay ini-unat ang kanyang kamay, hawak ang cellphone.


Helena: Kung gusto mo akong makitang lagi nakangiti, e di magpa-picture tayo.
Julian: Bakit? Hindi ka naba ngingiti ulit?
Helena: Ngingiti pa.
Julian: Oh yun naman pala eh. Bakit kailangan ng picture?
Helena: Isa kasi isa ito sa pinakamasayang ngiti ko.
Julian: Bakit?
Helena: Dahil sa lobo, sa sorbetes, sa swing at sa sandaling ito.
Julian: (Ngumiti pabalik)
Helena: Dahil sa'yo.
Julian: Masaya kaba talaga?
Helena: Ayaw mo?
Julian: Gusto. Tinatanong ko lang.
Helena: (Humawak sa pisngi ni Julian) Masaya ako, kasi andito ka.
Julian: (Walang nasabi)
Helena: Malinaw na yun ah. Baka naman may tanong kapa? Picture na, dali.
Julian: Teka, camera shy ako eh.
Helena: (Tumawa) Talaga lang ah?
Julian: Meron ka bang face powder o kaya foundation. Pati mirror na din.
Helena: Bruha.


Lalong nagsumiksik sa tabi ng binata si Helena, kumapit sa braso nito saka pinindot ang button ng camera. Saglit na nagliwanag ang kanilang kinauupuan. Tinignan ang screen at ngumiti.


Julian: Patingin.
Helena: (Iniabot) Oh.
Julian: Wow, magaling na pala ang sakit ko.
Helena: Ha?
Julian: May sakit kasi ako, mula pa noong pagkabata. Hindi ako tinatablan ng camera.
Helena: (Tumawa) Corny.
Julian: Totoo. Katunayan nga, sculpture ang family picture namin eh. Kaso hindi natapos. Namatay na kasi yung nag-uukit nung gagawin na ang mukha ko. Kaya ayun, hindi na namin nai-display sa sala. Ginawa nalang panambak, tuwing bumabaha sa likod bahay.
Helena: Hindi ko alam kung witty ka lang ba o talagang may sayad.


Tapos na ang pagkuha ng litrato, pero naiwan sa ganung estado ang dalawa. Walang puwang sa pagitan. Walang kaba na naglalayo. Walang lugar na kailangang babaan. Tuloy lang ang pintig ng damdamin. Tuloy lang ang ligaya sa puso. Tuloy lang ang takbo ng mga segundong walang gustong bumilang. 


Julian: Sana, wag nang matapos to. 
Helena: Ang alin?
Julian: Itong posing na'to. 
Helena: (Tumawa) 
Julian: Minsan nga, pag nag-gym ka o naglaba, o ano mang activity na nakakapagod, tawagan mo ako. 
Helena: Bakit? 
Julian: Para sa balikat ko nalang ikaw magpahinga. 
Helena: Wow. Di ka naman kaya mangalay nun? 
Julian: Gusto mo, magsuot pa ako ng seat cover at magdala ng sarili kong unan. 
Helena: Sofa? 
Julian: Para sayo.
Helena: Magkikita naman tayo sa school ah. 
Julian: So, pwede kitang sabayan, araw-araw?
Helena: (Tumawa) Hmmm. Pag-iisipan ko.
Julian: Ganun? 
Helena: May barya kabang pamasahe?
Julian: Babasagin ko mamaya, paguwi, yung alkansya ko. 
Helena: (Tumawa) Ok. Sabay tayo. Araw-araw. 
Julian: Wala nang bawian ah. 
Helena: Ng ano? 
Julian: Ng sinabi mo. 
Helena: Na sabay tayo?
Julian: Hindi, yung kanina.
Helena: Alin? Na gusto kita?
Julian: Oo.
Helena: (Tumawa) Pag-iisipan ko. 
Julian: (Ngumiti) 
Helena: Gusto kita. Wala nang bawian. At isa pa, sa totoo lang mahirap ang hindi mahulog sa isang kagaya mo.


Kumuha kayo ng lubid. Parang awa niyo na. Itali niyo sa mga paa ko habang ang kabilang dulo ay ipalupot niyo sa angkla ng barko, dahil baka liparin nako ng hangin sa saya. Anong nangyayari? Malapit naba talagang magunaw ang mundo? Bakit mo ako pinagbibigyan ng ganito, mapagmahal na tadhana? Ano to? Pampalubag loob? Babagsak ba ako sa college? Masasagasaan ba ako ng sasakyan mamaya? Madudukutan ba ako ng wallet? Sobrang perpekto ng tagpong ito, ng ganun ganun lang at walang kapalit. Asan na ang lubid? ILABAS ANG LUUUUBBBBIIIIDDDDD!!! 


Julian: Sa totoo lang din, bago ka pa man nahulog, matagal na akong nakatingala at naghihintay. Dumating man ang tagpong iyon o hindi, may posibilidad man o kasing labo ng tubig kanal na mangyari, walang araw na hindi ako nag-abang, walang araw na hindi ako humiling, walang araw akong hindi nag-asam, na sana, kahit tsamba lang, magkaroon ako ng pagkakataong saluhin ka.




PT9-B [Wednesday, April 4, 2012 at 7:05am ·]



Lumipas ang mga araw. Nag-daan ang mga linggo. Mula sa tila pambihirang sapak ng swerte, gaya ng pagtama sa lotto, nauwi ang mga tagpo ng kaba at kilig bilang regular na pangyayari. Magkikita sila sa sakayan. Dadalhin niya ang gamit ni Helena. Papasok sa ekwelahan ng magkasama. Magkasabay na kakain. Magkikita sa labasan. Dadalhin niya ang gamit ni Helena. Uuwi ng magkasama. Kumbaga sa walang bantay na jumpshot ni Michael Jordan, "matik" na lahat. Di na kailangan  ng mga pambungad na bati o garalgal na intro dahil sa kawalan ng kompiyansa.



Ayos naman ang takbo ng lahat. Hanggang sa basagin ng isang tanong, ang daloy ng mga bagay sa pagitan nila ng dalaga.



Tulad ng mga nagdaang araw, dumating silang sabay sa klase. Naupo na si Helena at nagtungo na din si Julian sa kanyang pwesto. Nang biglang lumapit muli ang dalaga.



Helena: Wallet ko?
Julian: Ah, oo nga pala. (Dinukot ang wallet mula sa bag ni Julian)
Helena: Saan tayo kakain maya?
Julian: Bahala na.
Helena: Ok. Maya nalang.



At tulad ng tauhan na inutusan ng direktor upang maging ahas/hudas sa pagitan ni Eba at Adan, sumingit ang kaibigan/langaw niyang si Ruben.



Ruben: Wow, pati wallet niya, nasa sayo na? Conjugal property?
Julian: Sira. Naiwan niya lang kanina nung nagkasabay kami sa jeep pagpasok.
Ruben: Oo nga pala, matanong ko lang, bakit ba lagi kayong sabay dumating?
Julian: Nagkataon lang siguro.
Ruben: Four out of four, sa isang school week? Nagkataon lang?
Julian: (Natawa)
Ruben: Bakit di ka tumaya sa lotto, mukhang malambing sayo ang pagkakataon eh?
Julian: E ano naman kasi sayo?
Ruben: Malambing lang din sakin ang pagiging chismoso.
Julian: Ok, ano bang gusto mo talagang itanong, nang matapos na ang usapan na to?
Ruben: Ano ba kayo ni Helena?



Sa totoo lang, konting udyok lang sakin ng isang random na kaklase, malamang ikaskas ko na sa gadgaran ng keso ang mukha nito ni Ruben, at gawin siyang buhay na nilupak. Ang kulit eh. Pero bakit ganito? Napapaisip din ako. Kung tutuusin, ilang buwan ko na ding katabi si Ruben, at gaya ng dila na ipinaglihi sa kangkarot na turumpo, kung saan-saan pumapaling ang mga tanong at kwento niyang walang katapusan. Ngunit, lagi ko namang nasasakyan o nababalewala ang mga yun. Maliban sa isang ito. Ano nga ba kami ni Helena? Leche kasi, nalunod ata ako sa sobrang kaba at kasiyahan nung gabing nagka-aminan na, kaya heto, may isang bagay pala akong hindi naitanong. Kung ano kami. Kung anong estado namin. Kung anong tawag sa relasyong namamagitan sa amin. Yan e kung meron man.



Ruben: Huy!!! Pucha, naka-rugby ka no?
Julian: (Tila nagising mula sa pag-iisip) Ha? Ano ulit yun?
Ruben: Sabi ko, ano ba kayo ni Helena?
Julian: Wala.
Ruben: Anong wala?
Julian: As in, wala.
Ruben: Anak ng kulisap, ano yun? Parang linya sa mga romance novel? Ang relasyon namin ay parang hangin, akala mo lang wala, dahil hindi mo nakikita, pero iyong nararamdaman, kaya, MERON!! MERON!! MERON!!.
Julian: (Napaisip) Hindi eh, ang relasyon namin ay parang utot, alam mong mabangis, pero wala kang ideya kung sa anong pagkain ito nagmula.
Ruben: (Nagpa-beautiful eyes) Awww. How sweet. Utot analogy sa larangan ng pag-ibig. Bakit hindi ka mag-apply na tagasulat ng mga greeting card. Ang tamis mo eh.
Julian: Ulol. Manahimik ka na nga dyan.
Ruben: Uy. Meron ka ngayon no? Happy period!!!
Julian: (Lumingon sa ibang kaklase) Sinong may ice pick dyan? Mga 10 inches. Pahiram. Isasauli ko din agad. May kasama pang atay.



Alam ko, na masaya ako sa ganitong set-up, at pakiramdam ko naman, ok din siya. Pero ano nga ba kami? Hindi naman sa naghahanap ako ng tamang relationship status na iki-click para sa aking Facebook account. Mahirap lang din palang mag-isip at tumantsa kung saan ako lulugar. Alam ko din na walang kinalaman ang label pagdating sa pagmamahal. Pero napaka simpleng bagay lang naman yun para ipagkait diba? Kung ang mga ulam o appliances nga, ginawan pa ng pangalan, itong lecheng pintig ng puso pa kaya? Isipin mo nalang, kung bibili ka sa karinderya kung saan kailangan mo pang sabihin na "Isang order nga po ng tinadtad na karne ng baboy na iginisa at pinakuluan sa sabaw na may tomato sauce na may kasamang patatas, carrots at green peas". O di naman kaya, pag bibili ka ng refrigerator, "Magkano itong mahiwagang aparador ninyo na ginagamitan ng elektrisidad upang makapagpalamig ng tubig at pumigil sa pagkasira ng biniling karne sa palengke". Parang tanga diba? E kung sagutin ko si Ruben ng "Gusto ko siya, gusto din niya ako, at sabay naming inamin yun, isang gabi sa parke, pero hanggang ngayon, wala pa kaming napagkasunduang relationship status. Kaya heto, magiimbento muna ako, pero temporary lang ah. *It's pixelated*. Malabo eh.



Natapos ang klase. At tulad ng nakasanayan, sabay na umuwi ang dalawa at naisipang tumambay sa convenience store bago maghiwalay ng sasakyan.



Helena: Tahimik ka ata. Bakit?
Julian: Ha? Hindi ah.
Helena: May problema ba?
Julian: Wala. Ok lang ako.
Helena: Sigurado ka?
Julian: Oo. Tara, uwi na tayo?
Helena: Teka, palagi tayong nandito, pero ngayon ka lang ata nagmadali.
Julian: Wala lang.
Helena: Pag hindi kapa nagsabi, sasapakin na kita sa mata.
Julian: (Natawa) Di ka naman barbarian?
Helena: Ano nga?
Julian: (Bumuntong hininga) Ngayon ko lang din naisip to, kaya gusto ko sanang itanong sayo.
Helena: Ano yun?
Julian: Totoo bang may mumu?
Helena: (Nanlisik ang mga mata) Sasapakin na talaga kita!
Julian: Seryoso na. Ano ba tayo?
Helena: Anong ibig mong sabihin?
Julian: Ano tayo? Anong tawag sa relasyon natin? Meron ba? O imagination ko lang?
Helena: Gaya ng sinabi ko. Gusto kita. Alam mo na yun diba?
Julian: Gusto din kita.
Helena: Alam ko.
Julian: So, yun lang? Wala na?
Helena: Hindi sa ganun.
Julian: Kung meron, eh ano?
Helena: Hindi ko rin alam.
Julian: (Ngumiti ng pilit) Siguro nga, dapat di ko nalang tinanong.
Helena: Look, gusto kita, at gusto kong makasama ka lagi. Pero akala ko kasi, andun palang tayo sa stage kung saan, unti unti nating mas nakikilala ang isat isa.
Julian: Naiintindihan ko. Pasensya kana. Natanong ko lang.
Helena: Hindi ka ba masaya?
Julian: Masaya. Gusto ko lang din kasing malaman kung saan ako lulugar.
Helena: May basehan ka naman eh.
Julian: Sana hindi ito makasira sa kung ano mang meron tayo ngayon.
Helena: (Hindi sumagot)
Julian: Galit kaba?
Helena: Gusto mo ba talagang malaman kung ano tayo?
Julian: Sana.



Tumayo si Helena. Kinuha ang bag at hinila muli ang kamay ni Julian papunta sa sakayan ng bus. Pumara ito at sumakay kasama ng binatang walang kalaban-laban na sumusunod sa kanya.



Saan kami pupunta? At bakit ang lugar na iyon ang makakapagsabi kung ano kami? Sasadya ba kami sa isang manghuhula at kanyang mga baraha ang makapagtuturo ng aming relationship status? Maghuhulog ba kami ng barya sa isang nagsasalitang wishing well? Tutungo sa gubat upang maghanap ng matalino at matalinhagang ermitanyo sa sasagot sa aming katanungan kapalit ng isang supot na tinapay? Pucha, kinakabahan ako, na excited, na may hint ng pag-aalala. Bakit ganito? Parang nakakakita ako ng dalawang alter ego ng aking sarili. Isang may sungay, na nagsasabing pupunta kami sa isang tahimik na lugar, na kaming dalawa lang, may aircon at room service. Samantalang yung isa, na may halo sa ulo, ay nagsasabing sa simbahan ang aming tuloy upang ipagdasal ang mga tanong na bumabagabag sa aming puso at isipan. Gusto nang dumugo ng ilong ko sa kaguluhan. Matibay ba ang salaming bintana ng bus na ito? Kaya ba nitong tanggapin ang ilang hampas ng ulo ko, hanggang sa ako'y kumalma?



Tahimik lang buong byahe si Helena. Hindi na rin kumibo si Julian. Ang tanging beses na nagsalita ito ay nang pumara upang bumaba. Naglakad sila ng ilang metro, sumakay ng tricycle at huminto sa tapat ng isang bahay. Malaki, maganda at may pulang gate. Meron din itong doorbell, na tila umaakit sa daliri ni Julian na pindutin iyon saka tumakbo palayo at magtago upang pagmasdan ang asar na magbubukas ng pinto nang makitang walang tao sa labas.



Julian: May susi kaba?
Helena: Wala. May tao naman sa loob eh.
Julian: Pwede ako nalang mag-doorbell?
Helena: (Tumawa) Be my guest.



Pinindot ni Julian ang button at ngumiti na parang engot. Maya-maya pa, bumukas ang gate at sinalubong sila ng isang babae.



Helena: May kasama ako, ate. Si Julian.
Ate: Pasok.
Julian: Magandang (tumingin sa relo, pero naguluhan kung dapat bang tanghali o hapon ang sunod na sasabihin) Magandang three thirty po.
Ate: (Natawa) Same to you.


Nang papalapit na sila sa pintuan ng mismong bahay nila Helena, isang maliit na tinig ang tila unti-unting lumalakas habang naglalakad sila papasok.


"Mommy.."


Dali-dali itong yumakap kay Helena.


Helena: Si Gabriel, anak ko.



Tantya ko, mahigit kalahating oras kaming naka-upo sa bus kanina. Sa panahon iyon, malamang nakapagsulat na ako ng isang buong libro na naglalaman ng mga posibleng lugar na aming pupuntahan o eksenang aabutan. Pero hindi ito kasama doon. Baka nga mas sumagi pa sa isip ko ang posibilidad na isa siyang alien at ipapakita niya sa akin ang makintab at hugis donut niyang spaceship. Pero hindi ganito. Daig pa nito ang unang buhos ng tubig sa isang malamig na madaling araw ng Disyembre. Nakakamanhid. Ang pinakamiserableng bahagi ay ang unang bagsak sa ulo mo, pababa. Pero unti-unti ding mawawala sa mga susunod na beses. Kaso, mukhang hindi ganun ang tagpong ito. Mukhang hindi maiibsan ang pagkabigla, ulitin man ni Helena ang pagbanggit na anak niya ang batang ito.



Muli siyang iwinasiwas pabalik sa reyalidad ng munting boses.


Gabriel: Sino ka?
Julian: (Ngumiti) Ako si Julian. Ikaw?
Gabriel: Gab.



Naupo sila, at nang mukhang may seryosong kwentuhan na magaganap, pumasok sa kanyang kwarto ang ate ni Helena, pagkatapos mag-abot ng maiinom, at isinama ang bata. Kumaway ito sa kanila at mahinang nagsabi ng "babay".



Helena: 3rd year high school ako nung mabuntis ako kay Gab. Pagkapanganak ko, bumalik ako para maka-graduate ng highschool. Para makapag-college. Habang si Ate ang nagbabantay sa kanya. Sinusuportahan pa naman kami nila Mommy at Daddy, kahit nasa ibang bansa sila at magkahiwalay.
Julian: Nasan ang tatay niya?
Helena: Hindi ko na alam. Hindi rin naman kasi matino ang relasyon namin.
Julian: Ha?
Helena: Bottomline, bobo ako. Siguro masyado akong nagpa apekto sa paghihiwalay ng magulang ko kaya naisipan kong magrebelde. Pero imbes na magbulakbol sa klase o mag-droga, naisipan kong magpabuntis. Kaya kung iisipin mo, para akong nag-diet, at umiwas sa mamantikang pagkain para piliing lumamon ng isang toneladang chichirya.
Julian: Ano kaba? Tapos na yun. Tsaka blessing yang si Gabriel.
Helena: Alam ko. Kaya nga gagawin ko lahat para sa kinabukasan niya.
Julian: Tama yun.
Helena: Kaya nga pumayag na akong tumira sa daddy ko, sa Amerika.
Julian: Sabagay, makabubu.. HA???!!!
Helena: Tatapusin ko lang ang sem na 'to. Hindi na ako mag-eenroll. At aantayin nalang maayos yung mga papeles.
Julian: Bakit kapa nag-enroll, in the first place?
Helena: Biglaan lang naman lahat. Pero ngayong stable na ang tatay ko dun, gusto na niya kaming kunin. Dun nalang din ako mag-aaral siguro at kung papalarin, makahanap na din ng trabaho.
Julian: (Walang nasabi)
Helena: Para lahat ito kay Gabriel. Mas magiging ok siya dun.
Julian: Siguro nga.



Malapit nang dumilim, pagkatapos ng saglit na pakikipaglaro sa bata, nagpaalam na si Julian. Hinatid naman siya ni Helena sa sakayan.



Helena: Ok ka lang ba?
Julian: Gusto ko sana sabihing "Oo".
Helena: Pero hindi?
Julian: Kung insekto lang ako, malamang hindi ko naman na iniisip pa ang mga bagay na ito. Baka naupo nalang ako sa isang tabi at ngumuya ng mga dahon o bumungkal at ibaon ang sarili sa lupa.
Helena: Sorry.
Julian: Wala ka namang kasalanan. Naiintindihan ko. Pero sana, maintindihan mo din kung medyo may peklat pa ako ng pagkagulat. Di naman ganun kadali lunukin ang mga bagay na nalaman ko ngayon.
Helena: Na may anak ako?
Julian: Oo. Pero hindi sa paraang iniisip mo.
Helena: E ano?
Julian: Wala ba akong karapatang mabigla?
Helena: Meron. May karapatan ka din namang umayaw.
Julian: Ayawan ang alin?
Helena: Itong bagay na namamagitan sa atin, na walang etiketa kung ano ba talaga ang tawag.
Julian: Parang ikaw pang galit.
Helena: Akala mo lang yun.
Julian: Sige, mauuna na ako.
Helena: Ingat ka nalang (sabay lakad palayo).



Hindi ako galit. Hindi ako kupal. At hindi rin ako makitid kung mag-isip. Gusto ko iyong isigaw sa kanya. Pero para saan? Para lumaki ang di pagkakaunawaan? Nabigla lang naman ako, masama ba yun? Ano ba ang tamang reaksyon? Magtatatalon sa tuwa, kasabay ng pagkiskis ng ilang pirasong watusi sa pader nang sabihin niyang paalis na siya? Pumalakpak ng malakas sabay hiwa sa isang celebratory cake ng kanyang pagma-migrate? Inaasahan ba niyang alam ko na may anak siya? Na meron akong nakahandang regalo para dun sa bata? Dapat ba may laruang dinosaur ako lagi sa bag, na nakakulong sa isang salamin, kung saan may label itong "break glass in case your girlfriend-to-be is already a mom"? Hindi naman tipikal ang mga ipinagtapat niya. Hindi naman imposibleng tanggapin. Mahirap lang talaga maging normal at magbigay ng kalmadong reaksyon sa gitna ng naglalakihang alon ng katotohanan.


Sumakay ng jeep si Julian, kung saan siya lang ang nagiisang pasahero. Bwiset na iniabot ang bayad.



Driver: Wala kabang barya?
Julian: Manong naman. Gabi na. Hindi na applicable ang "barya lang sa umaga".
Driver: Pasensya kana. Kalalabas ko lang.
Julian: Pasensya na din po.
Driver: Mukhang badtrip ah.
Julian: (Gusto nang maluha) Anong gagawin mo kung ang nag-iisang babaeng gusto mo pakasalan sa lahat ng simbahan, na ninais mong makasama sa ginhawa at ginhawa, ay may anak at papalipad na patungo sa bansa ng mga tisoy? 
Driver: Mahirap nga yang sitwasyon mo pre. Sige, ito nang pera mo. Wag ka na magbayad. It's on the house.



Pupusta ako, tumalon man ako palabas sa rumaragasang jeep na ito, nang una ulo, wala akong mararamdaman sa sobrang pagkamanhid na dala ng gulat. Pero kung totoo man ang mga pangyayari sa mga teleserye, may posibilidad na humampas ang ulo ko sa semento at makalimutan ang lahat. Bwaka ng ina kasi nito ni Ruben eh, tinanong pa. Kasalanan niya lahat to. Humanda ka Ruben, itutumba kita, ungas. Pero kung hindi dahil sa kanya, di ko ito malalaman. Anong gagawin ko? Ayoko namang iasa ang lahat kay Batman. Malamang busy din siya.





PT10 [Thursday, April 12, 2012 at 1:11pm ·]


Mga pagod na paa ang pasadsad na humahatak sa kanyang sapatos, habang buong ngitngit na kumakaskas ang swelas nito sa mala dragon na kutis ng semento. Mga inis na pisngi ang bumubuhat sa mabigat na simangot na kanina niya pa bitbit. Mga nanghihinang balikat ang may dala ng kanyang bag at walang katapusang katanungan. At halos mahati sa dalawa ang kanyang utak, sa pagpoproseso ng mga impormasyong kanina niya lang nalaman. Mula sa kanto na binabaan niya, hanggang sa maapakan ang sinisintang door mat ng kanyang nanay, na nakalapat sa labas ng kanilang pintuan, lahat ito ay kanyang ininda ng sabay sabay.



Pucha, ano bang nangyari? Mali ba ang naging reflex ng katawan ko sa bawat impormasyong isinaksak niya sa aking tagiliran? Sabi nila, masama daw magsinungaling, kahit pa mabuti ang iyong intensyon. Pero bakit sablay parin ang resulta ng pagsasabi ko ng totoo? Hinusgahan ko ba siya? Hindi naman ah. Sana nalang pala, nagtata-tumbling ako sa harap niya habang nagwawagayway ng pompoms nung sabihin niyang aalis na siya. Baka sakaling naging matino pa ang ending ng araw na ito.



Pagpasok ng pinto, bumungad sa kanya ang kanyang nanay, nakaupo, tutok sa television at tila hindi kumukurap.


Julian: Andito na po ako.
Ermats: Andito din ako. Destiny?
Julian: (Ngumiti, umupo at tumabi sa kanyang nanay) Anong palabas?
Ermats: Maria La Del Monte Kitchenomics Mo Ako Iniwan.
Julian: Telenovela. So anong kwento?
Ermats: Ingay mo. Manood ka nalang.



Naghubad ng sapatos at hindi na umalis sa kanyang kinauupuan si Julia. Pilit na nakisimpatya sa nanay niyang libangan ang panonood ng mga teleserye. Gusto mang dumugo ng kanyang tenga sa mga gasgas na dialogue, sabunutan ng bagong rebond na buhok at tulakan sa hagdan, baka ito ang unconventional na sagot upang pansamantalang mawala sa isip niya ang mga sapot ng tanong at pangamba. Yata.




Ermats: Naku, ipapadala ang babae sa Amerika para hindi sila magkatuluyan nung bidang lalake. Napaka sama talaga ng madrasta niya. Kung taga dito lang yan, kanina ko pa dinibdiban yan eh.
Julian: Bakit ba pag ilalayo ang bida, kelangan sa Amerika? Bakit hindi sa Babuyan Island o kaya sa Spratlys. At least medyo malapit.
Ermats: Ewan.
Julian: Atsaka bakit puro sa bansa ng mga mapuputi gaya ng Amerika o sa kung anong lupalop ng Europa? Bakit hindi nalang sa Africa o kaya sa India? Racist siguro yung mga tagasulat ng script.
Ermats: Siguro.
Julian: At bakit ba laging may twist o masamang pangyayari na magbabago sa takbo ng istorya? Hindi ba pwedeng masaya nalang mula umpisa hanggang huli?
Ermats: Teleserye nga eh. Hindi children's party.
Julian: Lagi pang may naiiwang luhaan. Bakit ganun? Dapat ipagbawal na ang mga palabas na ganyan. Sa sobrang dami nila, nahahawa na pati ang tunay na buhay. Sunugin ang mga teleserye, hanggang sa maging abo, at gawing pataba sa lupa. SSUUUUNNNUUGGGIIINNNN!!!
Ermats: (Tinignan siya ng masama) Ano bang nangyayari sayo? Goons kaba?
Julian: Hindi po.
Ermats: Ano bang problema?
Julian: Wala po.
Ermats: Tungkol ba kay Helena?
Julian: (Halata ang lungkot) Ma, ayoko po talagang pag-usapan.
Ermats: Ok. Ok. Malaki kana, anak. At wala akong balak manghimasok sa personal na pangyayari sa buhay mo. Pwera nalang kung malapit ka nang magbigti. Noong bata ka pa lang, alam ko nang mabait at matalino ka. Kaya kampante ako na hindi ko kailangang magsisisigaw sa tenga mo kung anong dapat gawin. Pero may mga bagay lang talaga na kailangan mong matutunan sa pamamagitan ng pagsablay. Lalo na pagdating dyan sa puso. At tandaan mo lang lagi, lahat ng pangyayari sa buhay natin ay may dahilan. Natural lang na hindi mo makita kung ano yun, sa kasalukuyan, pero magtiwala ka, malalaman mo din.
Julian: Salamat po. (Yumakap at naglakad papasok sa kwarto)
Ermats: At isa pa, kahit kailan, wag kang maging mapili pagdating sa kung sino ang mamahalin, dahil sa dalawang ginintuang rason. Una, hindi tayo mayaman. Pangalawa, hindi ka si John Lloyd o Coco Martin.
Julian: (Ngumiti) Alam ko po.



Lunes. Unang araw ulit ng isang mapaklang school week. Magandang pagkakataon para maka-usap si Helena. Pero, natapos ang klase, ni isang sulyap e walang itinapon ang dalaga papunta sa kanina pa nakatitig na si Julian. Sinubukan niya din itong abangan upang makasabay man lang pauwi ngunit naging mailap pa sa sugatang usa ang babae.



Dumating ang Martes. Ni anino ni Helena ay di na niya natanaw. Nagdaan pa ang ilang araw, pero wala nang Helena ang sumulpot sa classroom. Ang sabi ng isang professor, kusang nagpa-drop na daw ito. Sa kabila ng patong-patong na senyales, umasa parin si Julian, na isang araw, muling papasok sa pintuan si Helena, dala ang kanyang nakakapang-hina na ngiti, at uupo sa kanyang pwesto at kanya itong pagmamasdan ng buong tahimik. Pero muli, lumipas ang mga araw, wala parin si Helena. Kasama niyang nilipad ng hangin ang alikabok mula sa kanyang sapatos, ang kulay ng kanyang pagtawa at ang pag-asa ni Julian na mauulit ang lahat.




Posible ba yun? Na wala lang sakanya ang mga tagpo naming nagpaluhod sa aking puso? Ganun ba kaliit ang epekto ko sa kanya? Parang kagat lang ng langgam? Anak ng tostadong pandesal, habang buong galak siyang sumasalo ng snow, ako naman itong si engot, parang sabog na prinsipe na panay parin ang abang sa kakahuyan, dahil baka isang araw, dumaan siya at maisusukat ko ang naiwan niyang alfombra na gawa sa pinagtagpi-tagping bubog. Wala man lang bang goodbye kiss? Flying kiss? Kahit simpleng "ba-bye kamote" o like sa status ko, mula sa lyrics ng "Bye bye Na" ng Rivermaya? Nagsimula ang trahedyang ito nang tanunging ko siya kung "ano kami", na ngayon ay nauwi sa "ano ba ako sa kanya", na mukhang ang ending ay isang mapang-asar na "O, ano ka ngayon? Belat". Hindi maaari ito. Kailangan nang mag "rider-change" at tumalon pasakay kay battlehopper. Tanggapin mo ito mapaglarong tadhana, ang aking espesyal na rider kick, may itlog na maalat pa sa ibabaw. Di mo ako basta-basta magagapi. Hindi ako susuko. Dahil quitters... quit. Parang mali ata. Ano ba yung kasabihan? Leche, english kasi eh. Basta. Hindi ako susuko. Yun na yun.



Sabado ng hapon. Puno ng plano, pagnanais at desperadong kompiyansa si Julian. Naligo at nagbihis saka buong tapang na lumabas ng pinto, kargado ng ilang layer na pahid ng deodorant.  At sa ibat-ibang anyo ng transportasyon, siya ay pumara at bumaba, hanggang sa marating ang kanyang destinasyon. Ang Mount Doom ng kanyang nararamdaman para kay Helena.



Magaan niyang pinindot ang doorbell. At habang naghihintay, tahimik na ni-rehearse ang mga linyang kanyang inihanda. Pati na din ang talunan na pagsimangot kung sakaling mission failed ang lakad. Maya-maya pa, bumukas ang pinto, at isang pamilyar na mukha ang bumungad.




Helena: (Gulat) Oh, anong ginagawa mo dito.
Julian: (Sigh of relief)
Helena: Bakit?
Julian: Akala ko kasi naka-alis na kayo. Buti nalang, naabutan kita.
Helena: Uhmm. Pasok ka.
Julian: (Naglakad papasok sa pinto) Asan sila Gab at ang ate mo?
Helena: Sinundo sila ng Tito ko kanina. May birthday party. Kaso malayo, so baka dun na sila mag overnight.
Julian: Buti hindi ka niya hinahanap?
Helena: Sanay naman siyang si Ate ang katabi matulog.
Julian: Eh ikaw? Bakit hindi ka kasama?
Helena: Sa Martes na ang flight namin. Medyo madami pang gamit na ililigpit at dadalhin. Kaya nag paiwan nalang ako.
Julian: Sakto pala ang timing ko.
Helena: Bakit ka nga ba pumunta dito?
Julian: Gusto lang kita makausap. Makita.
Helena: Uhmm. Gusto ko din yun.
Julian: Pasensya kana pala tungkol dun sa nangyari last time na andito ako.
Helena: Wala yun, dapat naman talaga sinabi ko na sayo noon pa.
Julian: (Pilit na iniliko ang usapan) Drama naman natin. Tutal andito nadin lang naman ako, tulungan na kita.
Helena: Sige, ikaw ang kumagat at pumutol ng packaging tape. Wala akong gunting eh.
Julian: Wow, salamat ha. Eh puputuling sanga ng puno? Wala? O gugutay-gutayin na retaso? Pwede ko ding ngatngatin yun. Tutal ginawa mo na din namang deadly weapon tong mga ngipin ko eh.
Helena: (Tumawa) I miss that.
Julian: Ang alin?
Helena: Kung paano mo ako napapatawa.
Julian: So nami-miss mo ang konsepto ng pagtawa, hindi yung nagpapatawa?
Helena: (Ngumiti) Ang arte mo. Oh sige na. Na-miss kita. Oh, ok na?
Julian: (Pabirong umirap) Pwede na.



Tupi ng mga damit. Sapilitang pagsara ng nagpuputukang maleta. Siksik ng mga papel. Supot ng mga laruan. Pag-tape ng bibig ng mga karton. Lumipas ang oras ng ganoon. Konting kwento, pahapyaw na tawa at singit ng kantyaw. Halos lumubog na ang araw ng matapos sila.


Naupo si Julian sa sofa, na siya namang dating ni Helena mula sa kusina, dala ang opisyal na meryenda kapag may bisita, juice at kung anong cookies meron ang refrigerator.



Helena: (Iniabot ang baso at inilapag sa mesa ang platito) Meryenda ka muna.
Julian: Salamat.
Helena: Ako nga dapat magpasalamat, dumalaw ka na nga, ikaw pa naabala.
Julian: Hindi ah. Ok lang yun.
Helena: Teka, may manggang hilaw pala kami. Gusto mo?
Julian: Sakto, naglilihi pa man din ako.
Helena: (Umirap) Wag na nga.
Julian: Ito naman, balat cucumber. Biro lang.
Helena: Spell cucumber?
Julian: Ito naman, balat atis. Biro lang.
Helena: (Tumawa) Sige na nga. Ipagbabalat kita.



Bumalik sa kusina ang dalaga. Pero pagkatapos ng ilang saglit, isang malakas na aray at kalabog ang sumunod, dinig hanggang sala. Dali-daling sinundan ng binata si Helena. Naabutan niya itong may "constipated look" at tangan ang kanyang kanang kamay.



Julian: Oh, anong nangyari?
Helena: Nahiwa ako.
Julian: Ok ka lang?
Helena: Uhmm, hindi??!!
Julian: Patingin nga.



Marahil sa huling pagkakataon, nawakan na naman nya ang kamay ni Helena, nang walang eksaktong balak, nang walang plano o Operation H. Maingat niyang inangat ang nasugatang daliri at inilapat ang kanyang ekstrang panyo upang tumigil ang pagdurugo.



Helena: (Pa-asar) May dala ka na namang extra hanky?
Julian: Nasugatan ka na nga, mang a-alaska pa.
Helena: Sorry na po, doc.
Julian: May first aid kit ba kayo?
Helena: Wala, pero may bulak at alcohol dun sa pulang drawer.
Julian: Band aid?
Helena: Wala yata.
Julian: Dito ka lang, babalik ako. Idiin mo lang muna dito sa panyo.
Helena: San ka pupunta?



Hindi na ito sumagot, at dali-daling lumabas ng gate. Ilang minuto pa ang lumipas, humahangos itong pumasok at lumapit kay Helena.



Julian: Ito, nakabili ako ng band aid dyan sa tindahan sa kanto.
Helena: Bakit pawis na pawis ka?
Julian: Hinabol ako ng aso nung kapitbahay niyo.
Helena: (Natawa) Si Ton-ton?
Julian: Yata. Hindi ko na masyado narinig yung pangalan na isinisigaw nung may-ari habang buong galak akong nakikipagkarerahan dun sa alaga niya.
Helena: Ok ka lang ba?
Julian: Uhmm, hindi??!!
Helena: (Ngumiti) Maliit na sugat lang naman ito, di mo kailangan mag-alala ng ganyan.
Julian: (Habang nakatingin sa daliri ni Helena at pinapahiran ng bulak na may alkohol ang sugat) Diba sabi ko naman sayo, lahat gagawin ko, maging ok ka lang. Teka, nasabi ko ba talaga yun? Well, kung hind man, isipin mo nalang sinabi ko nga (sabay tawa).
Helena: (Hindi na sumagot at nakatitig lang kay Julian)
Julian: (Binalutan ng band-aid ang sugat) Para kasing hihimatayin kana kanina dun sa kusina kaya nagmadali na akong bumi...



Isang biglaan at madiing halik mula sa dalaga ang tumapos sa mga salitang nais pa sanang lumabas sa bibig ni Julian. Medyo napaatras ito at nanlaki ang mata sa pagka-gulat. Yumakap nang tuluyan sa kanya si Helena kasabay ang lalong paglapit ng labi nito, hanggang sa mahiga siya sa sofa sa ganung posisyon.



Sa unang pagkakataon, walang mura o sapat na dami ng exclamation mark ang akma sa tagpong ito. Anong nangyayari? Gusto nang matunaw ng katawan ko. Parang awa niyo na, kumuha kayo ng imbudo at saluhin ang mga patak ng aking sarili. Baka sakaling pwede pang buuhin mamaya, gaya ng isang laos na kandila.



Ang mga segundo ay naging minuto, at ang minuto ay naging oras. Akma na sana ang kanyang pagpikit ng tumigil ang dalaga at tumayo. Wala siyang nasabi. Nakatitig lang si Helena sa kanya at ganun din siya pabalik. Walang anu-ano ay hinawakan siya nito sa kanyang kamay at hinila paakyat sa hagdan, hanggang sa loob ng isang kwarto. Pagpasok, muli siyang niyakap at mariing hinalikan ni Helena. Pilit namang ibinalik ni Julian ang emosyon ng sandaling iyon. Maya-maya pa, dahan dahang hinubad ng dalaga ang suot nitong blouse, habang buong gulat na nakatingin lang ang binata. Muli itong lumapit at humalik, nang umatras si Julian.



Julian: Teka!
Helena: Bakit? Ayaw mo ba?
Julian: Hindi sa ganun.
Helena: I get it. Dahil hindi ikaw ang una.
Julian: Hindi ako ganun kababaw.
Helena: (Nagsuot ulit ng damit) E ano?
Julian: Ayoko lang dumating ang araw, na kapag naisip mo ang pangalan ko, e ibibilang mo lang sa mga pagkakamaling nagawa mo.
Helena: Gusto kita. Gustong gusto. I think i've fallen in love with you. At gusto kong maramdaman ang special moment na ito, ng kasama ka. Yung tunay na pagmamahal at hindi bunga ng isang maling desisyon.
Julian: Alam mo, baliw lang na may utak-pamintang durog ang aayaw sayo o sa tagpong ito. At isang malaking kasinungalingan ang sabihing ayoko mangyari ito sa atin. Halata naman siguro sa isang daan at dalawamput tatlong butil ng pawis ko. Pero paalis kana, at ayokong maging parte ng iyong alaala bilang isang kumag na nakasama mo lang ng isang gabi.
Helena: E anong gusto mo?
Julian: Gusto kong maalala mo ko bilang yung hopeless romantic na halos isang buong sem na naghangad sayo, na nakasama mo sa jeep, na nakasukob mo sa ilalim ng isang payong, na nakasama mong mamili ng DVD, na nakatambay mo sa 7-11, na may ari ng balikat na iyong tinulugan at buong katorpehan kang minahal.
Helena: (Namula ang mata) Bakit kaba ganyan? Bakit mo ba nasasabi ang mga tamang salita sa tamang sitwasyon? Bakit ba dumadating ka sa tuwing kailangan kong sumaya? At bakit sa kabila ng perpekto mong timing, dumating ka sa buhay ko sa gitna ng isang komplikadong sitwasyon? Nang-iinis kaba? O sadyang ikaw ang parusa sa akin ng tadhana, dahil sa mga pagkakamali ko noon? Bakit kung kelan andyan kana, saka naman ako aalis?
Julian: Hindi ko alam ang sagot sa mga tanong mo na yan. Uhmm, pass?
Helena: (Tumawa)
Julian: Ang alam ko lang, ginusto na kita, since day one.



Yumakap lang sa kanya si Helena. Mahigpit at tila puno ng tuwa. Niyakap naman siya pabalik ng binata saka bumulong.



Julian: Ngayon naman, gusto kong maalala mo ako bilang romantikong sablay na ipinagluto ka ng hapunan.
Helena: Sige ba.



Saglit silang nagpunta sa palengke upang bumili ng lulutuin. Pagbalik, agad na nagsimulang magluto si Julian ng tinola.



Helena: Tulungan na kita.
Julian: Dyan ka lang. Injured ka eh. Dyan ka lang sa bench.



Hiwa. Tadtad. Gisa. Kulo. At nang matapos, tinawag niya si Helena upang tikman. Ngumiti ito at nagbigay ng thumbs up. Saka sila naghain at sabay na naghapunan. At nang matapos, iniligpit nila ang mga plato na siya namang hinugasan ng binata, saka ito nagpaalam.



Julian: Sige, uwi na ako. Gabi na rin naman. Pahinga ka na.
Helena: Ikaw bahala.
Julian: I-lock mo yung mga pinto. Mag-isa ka pa man din.
Helena: E kung samahan mo nalang kaya ako?
Julian: Ako? Dito matutulog?
Helena: Oo.
Julian: Ah, eh...
Helena: Pinapakawalan pa man din nila yung aso dyan sa labas, pag gabi.
Julian: (Tumawa) Sure, i'll stay. Tawag lang ako sa bahay.



Lumabas siya ng pinto sabay dial ng numero nila. Lumipas ang tatlong ring bago ito sinagot ng kanyang ina.



Julian: Ma, si Julian 'to.
Ermats: Sinong Julian?
Julian: Yung nag-iisang anak mo.
Ermats: Wala akong anak!!! Budol-budol gang ka ano??!!
Julian: Ma??!!
Ermats: (Natatawa) Oh, asan kaba? Bakit di kapa umuuwi?
Julian: Baka bukas na po ako uuwi. Dito na ako matutulog sa kaklase ko.
Ermats: Anak, nasa kalagitnaan kaba ng pot session? Tandaan mo, hindi sagot ang droga sa iyong mga dinaramdam at problema. Andito ako, ang nanay mo para damayan ka.
Julian: Ma, hindi ako adik.
Ermats: Balak mong mag-suicide?
Julian: Hindi rin po. Buhay po akong uuwi dyan bukas.
Ermats: O sige. Ingat ka ha.
Julian: Ingat din po kayo.
Ermats: Use protection.
Julian: Ma??!!
Ermats: Sige, kahit wag na. Gusto ko din namang magka-apo.
Julian: Ibababa ko na po ito. Baka kung saan pa mapunta ang usapan.
Ermats: Ok. Bye.



Pumasok siya ulit, sabay tanong.


Julian: So anong gusto mong gawin?
Helena: Movie marathon?
Julian: Game.



Magkatabi silang nakaupo sa sofa, habang unti unting pinapalipas ang oras sa pamamagitan ng ibat-ibang tagpo ng pinapanood nilang pelikula. Maka-ilang beses ding nagpalit ng bala, nag fast forward, nag rewind at nadismaya sa mga tumatalon na parte. Hanggang sa muli na namang gumulong ang closing credits.



Julian: Anong susunod nating papanoorin? Itong The Notebook o The Grudge? Pareho lang naman ata ang kwento nila diba? Romance?



Wala siyang sagot na nakuha. Inalog niya ang kanyang balikat na siya namang sinasandalan ni Helena, upang kunin ang atensyon nito, pero walang epekto. Paglingon niya, tulog na ang dalaga at mahinang humihilik. Tumitig siya ng ilang segundo, dahil maaaring ito na ang huling beses na masisilayan niya ng malapitan si Helena. Maya-maya pa, dahan dahan niyang tinapik ang pisngi nito upang gisingin.



Julian: Helena, gising. Matulog kana.
Helena: Ha?
Julian: I mean, umakyat kana sa kwarto mo at matulog.
Helena: Tapos naba yung palabas?
Julian: Oo, last full show nga eh. Maglilinis na yung mga janitor.
Helena: (Ngumiti sa kabila ng antok) Ok.



Dahil sa tila matinding antok at posibilidad na gumulong ito pababa ng hagdan, minabuti ni Julian na ihatid siya sa kanyang kwarto. Nahiga si Helena sabay hila ng kumot.



Julian: Sige, baba nako. Dun nako sa sofa. Good night.
Helena: (Hinawakan siya sa kamay) Dito ka lang. Please?
Julian: Pero...
Helena: Naiintindihan ko. Nothing stupid, so no mistakes and no regrets.
Julian: (Tumawa) Sarado ko lang ang pinto sa baba.


Pag-akyat niya pabalik, naupo lang siya sa gilid ng kama. Pero gising pa pala si Helena at niyaya itong humiga. Kumapit sa kanyang braso at nagtanong.



Helena: Bakit ako?
Julian: Huh?
Helena: Bakit ako ang nagustuhan mo?
Julian: Hmmm. Para sa magandang lahi ng ating magiging anak?
Helena: (Tumawa) Ano nga?
Julian: Gusto ko kung paano ka maglakad, kung paano ka ngumiti, kung paano gumagalaw ang buhok mo sa tuwing kumikilos ka, na tila slow motion. Gusto ko ang tunog ng tawa mo, ang pagsingkit ng mata mo sa tuwing nasa ilalim ng sikat ng araw, ang pagiging antukin mo sa byahe. At syempre, gusto ko, na gusto mo, na gusto kita.



Mula sa pagkakahiga, pilit na inilapit muli ni Helena ang kanyang labi sa labi ni Julian at nagbigay ng isang halik.


Helena: Goodnight. Hindi ko makakalimutan ang gabing 'to.


Kinaumagahan, nagising si Helena. Bumangon at napansing wala si Julian sa tabi niya. Dali-dali itong nagtali ng gulo-gulong buhok at tumakbo pababa. Naabutan niya ang binata na nagsasalin ng scrambled egg sa plato. Umuusok na tasa ng kape at balot ng pandesal ang siya namang nakahilera sa mesa.


Julian: (Tila nang-aasar) Magandang umaga, magandang binibini.
Helena: Tumahimik ka nga, may muta pa nga ata ako eh.
Julian: (Tumawa) Mag-almusal ka muna.


Pagkatapos kumain at magligpit, nagpaalam na ito sa dalaga.


Julian: Kailangan ko nang umuwi.
Helena: Ingat ka sa aso.
Julian: (Tumawa) Ingat ka sa snowman. Pagdating mo dun.
Helena: Mami-miss kita.
Julian: At pag namiss mo ako, sana maalala mo ako bilang makalumang kumag na ipinagluto ka ng almusal.
Helena: Oo, lahat yun, di ko makakalimutan.


-----------------------------------------


Martes ng madaling araw. Nagising siya sa tunog ng kanyang cellphone. Si Helena.



Helena: Alis na ako.
Julian: Mag-iingat kayo dun ni Gab.
Helena: Hindi man lang tayo nagkita ulit.
Julian: Mas ok na 'to. Para hindi gaanong masakit.
Helena: Maging masaya ka din, please. Gawin mo ito para sakin. Gusto kong maging masaya ka tulad ng kung paano mo ako pinapangiti sa mga pagkakataong magkasama tayo.
Julian: Susubukan ko.
Helena: Hihintayin mo ba ako?
Julian: Kahit ipagsigawan kong "hindi", alam kong alam mo, na maghihintay ako, na lagi kitang hahanapin, lalo na dun sa paborito nating upuan sa loob ng conveniece store. Araw-araw akong pupunta doon, mag-aabang ng ilang oras, kahit pa alam kong imposible na dumating ka.
Helena: (Tila nanginginig ang boses) Ma-mimiss kita.
Julian: Ako din. Sobra.
Helena: Sige na, message kita pag dating namin dun.
Julian: Ok. Ingat ka sa byahe.



Tumunog ang pamilyar na beep, na sumisimbolo sa pagtatapos ng tawag. Tumingin siya sa relo. Masyado pang maaga para maghanda sa pagpasok. Muli siyang humiga at mariing idiniin ang unan sa kanyang mukha. Ilang saglit pa, tuluyan nang dumaloy ang ilang luha.



Ilang oras ang lumipas, naka uniform na siyang naghihintay sa sakayan ng jeep. Tulala at walang kibo. Pero kailangang umikot ng mundo niya, kahit pa wala na ang axis nito. Unang araw ng eskwela kung saan wala na talaga si Helena.



Alam ko namang dadating to, pero hindi ko napaghandaan ang buong pwersa ng kalungkutan. Iba pala kapag andito na talaga. Ang sakit. Parang nakaka-praning. Hindi naman ako humiling ng isang perpektong love story, gusto ko lang magkaroon ng isa. Ipinarinig nga sa akin ng tadhana ang melodiya ng pag-ibig, kaso biglang tumalon ang CD sa bandang chorus. Wala akong galit. Wala akong panghihinayang. Wala akong pinagsisisihan. Sana lang, maging masaya ulit ako, gaya ng kasiyahan ko sa kanya. Handa akong maghintay, hanggang sa lumilipad na ang mga kotse o capsule form na ang mga fast food menu. Handa akong maghintay, maramdaman ko lang ulit yun sa piling niya.



Ilang metro bago dumating sa kanilang eskwelahan, hinila niya ang lubid upang pumara, gaya ng nakasaad sa signage na "Full String To Stop". Saka bumaba at naglakad papasok ng gate.



End (?)

3 comments:

  1. Gusto mong bumili ng Bato o nais mong ibenta ang iyong
    bato? Ikaw ba
    maghanap ng pagkakataon na ibenta ang iyong kidney para sa pera
    dahil sa pinansiyal na break down at hindi mo alam kung ano ang
    gawin, pagkatapos ay makipag-ugnay sa amin ngayon at kami ay mag-alok sa iyo ng mabuti
    halaga ng pera para sa iyong Bato. Ang pangalan ko ay Doctor RAGHAV
    am a
    Nephrologist sa MARTHIAS HOSPITAL. Ang aming klinika ay
    nagdadalubhasang sa Surgery ng Bato at nakikipag-ugnayan din kami
    pagbili
    at paglipat ng mga bato na may buhay na isang
    kaukulang donor.
    Kami ay matatagpuan sa Indian, Turkey, Nigeria, USA, Malaysia, India
    Kung ikaw ay interesado sa pagbebenta o pagbili ng bato mangyaring huwag
    mag-atubiling makipag-ugnay sa amin sa pamamagitan ng email.
    Email: marthiashospital@gmail.com

    Pinakamahusay na Pagbati
    DR RAGHAV....

    ReplyDelete
  2. Nais mo bang ibenta ang iyong kidney?
    Naghahanap ka ba ng isang pagkakataon upang ibenta ang iyong bato para sa pera dahil sa pagkasira ng pananalapi at hindi mo alam kung ano ang gagawin?
    Pagkatapos ay makipag-ugnay sa amin ngayon sa pamamagitan ng dr.louisclinic@gmail.com at bibigyan ka namin ng magandang halaga para sa iyong Bato dahil madali naming kailangan ang bato sa aming klinika o tumawag sa +918704214690
    email: dr.louisclinic@gmail.com
    whatsapp: + 1- (725) 2017759
    Presyo: $ 650,000usd

    ReplyDelete
  3. Ito ay isang pangkalahatang pahayag sa publiko mula sa Mayo Clinic at interesado kaming bumili ng mga bato, kung interesado kang magbenta ng isang bato, mabait makipag-ugnay sa amin nang direkta sa aming email sa ibaba sa
    mayocareclinic@gmail.com
    Tandaan: Ito ay isang ligtas na transaksyon at garantisado ang iyong kaligtasan.
    Mabait na magpadala sa amin ng isang email message para sa karagdagang impormasyon.

    ReplyDelete